238 total views
Nilinaw ni Batanes Bishop Danilo Ulep na pansamantalang nagkaroon ng problema sa bigas ang lalawigan ng Batanes dahil sa masamang panahon.
Ayon sa Obispo, higit na apektado ang isla ng Itbayat dahil hindi nakararating ang mga sasakyang pandagat na magdadala ng suplay sa lugar.
“The situation for a while nagkakaproblema especially in Itbayat. For the past few days now hindi maganda ang panahon kaya walang nakakabiyaheng bangka doon sa Itbayat.” pahayag ni Bishop Ulep sa Radio Veritas.
Kinumpirma naman Obispo na nakapagpadala na ang Pamahalaan ng ilang kaban ng NFA rice sa isla ng Itbayat ngunit ilang araw lamang ang itatagal ng naipadalang tulong.
Sinabi ng Obispo na bagamat may suplay ng bigas sa mainland ng Batanes ay pinangambahang kakapusin ito dahil sa sama ng panahon.
“The NFA rice, the stock is kumokonti na rin, again because of the weather. So there is a Shortage in the sense na paubos na yung stock ng bigas dito sa Batanes but sa awa ng Diyos meron pa namang natitirang konti.” dagdag ng Obispo.
NFA abolition
Naniniwala si Bishop Ulep na hindi madali ang pagtanggal ng ahensya ng gobyerno lalo na kung ito ay nakalaan upang tulungan ang pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan.
Ito ang reaksiyon ng Obispo kaugnay sa panawagan ng ilang Senador na tuluyang alisin ang National Food Authority dahil sa kabiguang gampanan ang tungkuling panatilihin ang sapat na suplay ng abot kayang halaga ng bigas.
Ayon sa Obispo, kung sakaling mapagkasunduan ng mga opisyal ang pagbuwag sa NFA ay dapat may mga hakbang itong titiyak na kayang makabili ng murang bigas ang mga mahihirap.
“In any move to do away with Institutions in Government it will need a lot of study, pero if ever kung tatanggalin yun, then see to it that the concerns of our poor families could really survived and afford to buy commercial rice will be addressed.” pahayag ni Bishop Ulep
Kumbinsido si Bishop Ulep na nakatutulong ang NFA sa pagbibigay ng abot kayang halaga ng bigas lalo na sa mahihirap na sektor na sapat lamang ang kinikita sa pang araw-araw na pamumuhay.
Batay naman sa pagsaliksik ng Bantay Bigas, may 4.3 milyong ektarya ang lupang sakahan sa buong bansa kung saan mahigit 3 milyon dito ay irrigable land ngunit 53 porsiyento lamang dito ang naaabot ng irigasyon habang ang iba ay umaasa sa tubig ulan.
Sinasabi ng Bantay Bigas na may mahigit sa 2 milyon ang mga magsasaka sa bansa patunay na may kakayahan ang Pilipinas na makakapaglikha ng pagkain para sa mamamayan.
Kaisa rin ang Simbahang Katolika sa mga mamamayang nanawagan sa Pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang lokal na produksyon ng bigas sa bansa para matiyak ang suplay nito sa mga pamilihan.