340 total views
Pinangunahan ni Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang ground breaking ceremony at contract signing para sa Casa de Silencio Project, isang retirement home at renewal center para sa mga pari ng kanilang Diyosesis na itatayo sa Most Holy Redeemer Parish, Silencio Corner Landargun St., Quezon City.
Inihayag ni Bishop Ongtioco na isa itong magandang handog para sa mga Pari na ginugol ang malaking bahagi ng kanilang buhay sa paglilingkod sa mga mananampalataya, at pagsisilbi sa Simbahan.
Dahil dito, umapela ang Obispo ng panalangin at donasyon para sa napakalaking proyekto ng kanilang Diyosesis na magbibigay ng disenteng tahanan sa mga retiradong pari.
“Ako po ay humihingi ng inyong panalangin dahil sinimulan po sa Diocese of Cubao ang construction or the laying of the corner stone ng retirement home for priests and renewal center for the lay people. We need prayers to complete this big, big project. Sa tulong ng Diyos, sa tulong po ninyo, alam naming matutupad ang aming pangarap na magkaroon ng retirement home for our retired priests who have served the church for so many years and a renewal center for our lay people.” Pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Ang Diocese of Cubao ang isa sa pinaka malaking diyosesis sa bansa na mayroong 1.2-milyong populasyon.
Umaabot sa 47 ang mga parokya nito at mayroong 45 mga pari na naglilingkod sa diyosesis habang 45 din ang bilang ng mga guest o assigned priests mula sa ibang Diyosesis.
Sa kasalukuyan nasa 52 taong gulang na ang karaniwang edad ng mga pari sa bansa at mayroon nang limang retiradong pari ang diyosesis ng Cubao.
Sa taong 2018-2022 inaasaang madadagdagan pa ito ng limang magreretiro at walo naman sa taong 2023-2027.
Naniniwala si Father Steven Zabala – Vicar General ng Diocese of Cubao na bilang pasasalamat sa pag-aarugang binigay ng mga pari sa kanilang mga nasasakupang mananampalataya sa bawat parokya, ay marapat lamang na magkaroon ang mga ito ng maayos na tirahan sa kanilang pagreretiro.
Sinabi ni Father Zabala na ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ay naaayon lamang na handog ang retirement house at renewal center upang maipadama sa mga pari ang pag-mamahal at pag-aaruga ng simbahan hanggang kamatayan.
“We take care of each other, we take care as a priest have taken care of you in your parishes while they were still active in the ministry, kaya naman po sa panahon ng Year of the Clergy, yung mga tumanda na nating pari ay alagaan naman natin, so yan ay bahagi parin ng ating bilang isang simbahang komunyon, simbahang isang sambayanan na nag-aasikaso sa bawat isa hanggang kamatayan.” Pahayag ni Father Zabala.