172 total views
Mga Kapanalig, nagbitiw na naman si Pangulong Duterte ng mga salitang hindi kumikilala sa dignidad ng kababaihan. Bilang reaksyon sa pagkakaroon ng Davao City ng pinakamaraming kaso ng rape sa bansa ngayong ikalawang quarter ng taon batay sa datos ng PNP, sinabi niyang sadyang maraming magagandang babae roon kaya marami rin ang nagagahasa.
Bagamat hindi na tayo nagugulat pa sa ganitong pananalita ni Pangulong Duterte, nakagagalit, nakadidismaya, at nakasisira ng loob ang kanyang pananaw sa rape at sa pagtrato niya sa mga babae. Walang kinalaman ang itsura ng isang tao sa pananamantala sa kanya. Hindi dapat gamitin ang itsura ng mga babae upang bigyang-katwiran ang panggagahasa sa kanila. Katulad ng pagsusuri niya sa ibang isyung panlipunan, inilihis ni Pangulong Duterte ang usapin tungkol sa karahasan laban sa kababaihan sa pamamagitan ng hindi pagtukoy sa tunay na ugat ng problema kundi sa pamamagitan ng paninisi sa mga biktima at posibleng mabiktima ng karahasang ito.
Ayon sa grupong Babae Ako, sa halip na hanapan ng solusyon ang tumataas na bilang ng rape at karahasan sa kababaihan, ininsulto ng pangulo ang mga nagdurusang rape survivors; adding insult to the injury, ‘ika nga. Sabi naman ng grupong Every Woman, hindi nakakatawa ang isyu ng rape. Seryosong isyu ito na hindi bunga ng pagiging maganda ng mga babae kundi ng pagiging bastos ng mga lalaki at ang pangungunsinti sa mga rapists, biro man o hindi. Paalala naman ng grupong Gabriela, krimen ang rape, at walang sinuman, lalung-lalo na ang pinakamataas na lider ng bansa, ang dapat magpalaganap ng rapist mentality, isang pananaw na ang turing sa mga babae ay mga kasangkapang ginagamit ng mga lalaki.
Gaya ng dati, binaluktot na naman ng kanyang tagapagsalita ang mensahe ng sinabi ni Pangulong Duterte tungkol sa rape. Katwiran ng Presidential spokesperson, hindi raw dapat seryosohin ang panibagong joke o biro ng pangulo. Iba raw kasi ang mga biro sa Luzon, Visayas, at Mindanao. At sa Mindanao raw, hindi nila sineseryoso ang mga biro kahit pa galing ito sa isang lider. Sumasang-ayon kaya rito ang mga kapatid natin sa Mindanao?
Mga Kapanalig, ang anumang salitang binibitawan ng pangulo, sa interview man o sa talumpati, ay maituturing na bahagi ng patakaran ng kanyang Administrasyon. Nagsasalita ang pangulo hindi para sa sarili lamang niya; nagsasalita siya sa ngalan ng pamahalaan, sa ngalan ng mga mamamayang kanyang pinaglilingkuran. Kaya’t kung ginagawa niyang maliit na bagay ang rape, para na rin niyang ineengganyo ang mga taong huwag seryosohin ang pagsasamantala sa mga kababaihan. Ang masama pa, ginagamit niya ang kanyang posisyon upang palaganapin ang paniniwalang walang mali sa karahasan sa kababaihan, na walang mali sa pananamantala ng mga lalaki sa mga babae, na walang mali kung ituring nating mas mababa ang halaga ng dignidad ng mga babae.
May bigat ang mga salitang sinasabi ng isang lider, kahit pa pabiro ang kanyang pagkakasabi. Kaya’t ang isyu ng rape ay hindi kailanman dapat gamitin sa pagbibiro, dahil karahasan itong sumisira sa dignidad at karapatan ng mga babae. Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayong pantay ang angking dignidad at karapatan ng mga babae at lalaki dahil nilikha tayong lahat na kawangis ng Diyos.
Mga Kapanalig, kailangan natin ng mga lider na tutol sa karahasan, mga lider na nagtataguyod ng dignidad ng mga babae, mga lider na hindi ginagawang biro ang rape. Kailangan natin ng mga lider na pinahahalagahan ang dangal at karapatan ng tao, sa salita at sa gawa. May kasabihan sa Ingles: “In a democracy, people get the leaders they deserve.” Patunayan nating hindi tayo karapat-dapat na pamunuan ng mga lider na paulit-ulit na lumalapastangan sa kababaihan at bigong lutasin ang mga tunay na isyu ng bayan.
Sumainyo ang katotohanan.