198 total views
Pinangunahan ni Father Joseph Matitu, SSS, Board Member ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines ang banal na misa para sa unang linggo ng Creation Sunday na isinagawa sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Baclaran.
Ayon sa Pari, isa itong paalala sa bawat tao na hindi lamang nakasentro sa bawat isa ang kani-kanilang buhay kundi dapat bigyang pansin at pagpapahalaga ang kapaligiran at ang mga bagay na bahagi ng paglago ng bawat tao.
Dagdag pa niya, tulad sa mga pagbasa at sa Ebanghelyo ay marapat lamang na panatilihin ng mga tao ang kalinisan sa kapaligiran upang maagapan ang pagkakaroon ng masamang epekto nito sa tuwing nagkakaroon ng mga bagyo at kalamidad.
“Sana dahil nga itong ating bansa ay laging binibisita ng kalamidad ay dapat maging handa tayo and the best way to be prepared is to really clean the Environment. Sabi nga sa Homily kanina at yung ating patuloy na pagninilay, hindi lamang yung panlabas na kalinisan sa Environment sa sarili, bagkus lalong lalo na yung kalinisan sa loob.” pahayag ni Father Matitu sa Radyo Veritas.
Samantala, inanyayahan ng Pari ang mga mananampalataya na patuloy na makilahok sa iba’t-ibang mga gawain ngayong Season of Creation.
Isasagawa sa ika-8 ng Septyembre kasabay ng kaarawan ng Mahal na Inang Maria ang Araw ng Kalikasan Alay kay Maria na gaganapin sa Stella Maris College Quezon City.
Sisimulan sa ganap na alas otso ng umaga sa pamamagitan ng Banal na Misa at susundan naman ng Rise for Climate Justice kung saan magmamartsa ang iba’t-ibang makakalikasang grupo patungo sa Quezon Memorial Circle.