222 total views
Nararapat na tanggapin ng mga Filipino sa halip na paalisin ng bansa ang mga dayuhang misyunerong tulad ng 71-taong gulang na Australian Missionary Nun na si Sr. Patricia Fox na inialay ang kanyang buhay para gabayan ang mga mahihirap.
Ito ang binigyang diin ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – dating Co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines sa tuluyang pagsasantabi ng Bureau of Immigration sa inihaing Motion for Reconsideration ni Sr. Fox matapos kanselahin ang kanyang Missionary Visa sa bansa dahil sa pagiging isang ‘Undesirable Alien’.
Ayon kay Sr. Mananzan, sa halip na si Sister Pat ay dapat na ituring ng pamahalaan na undesirable aliens ang mga nagpapasok ng droga at mga dayuhang mamumuhunan na sumisira sa kalikasan.
Iginiit ni Sr. Mananzan na bihira lamang ang mga dayuhan na tunay na naiintindihan at nakikibahagi sa mga pinagdadaanan ng mga simpleng mamamayang Filipino.
Sinabi ng Madre na isang pagkakamali ang pagpapadeport kay Sr. Patricia Fox.
“She is a desirable alien hindi siya undesirable, there are so many undesirable alien na dapat palabasin and people like Sr. Pat we should really welcome them you know instead of sending them away kasi there are so very rare for foreigners to be in solidarity with our people and naiintindihan niya yung kanilang kalagayan, nakikiisa siya napaka-rare niyan sa mga foreigners. Nagkakamali sila na papaalisin nila yung nakakabuti sa mga tao at pinababayaan nilang nandyan lahat yung mga drug dealer, hindi nila pinapaalis yung mga nagsisira ng environment natin and etc…” pahayag ni Sr. Mananzan sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Sr. Mananzan na hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang pagpapadeport kay Sr. Patricia Fox sapagkat siya ay isang kanais-nais na dayuhang misyunero na dapat pasalamatan taus-pusong pakikiisa sa mga manggagawa, magsasaka at mga katutubo sa bansa.
Iginiit ng Madre na dapat paalisin ng pamahalaan sa ang mga tunay na ‘Undesirable Alien’ sa bansa.
Nananatiling positibo naman si Sr. Mananzan sa inihaing petisyon ni Sr. Fox para sa Renewal ng kanyang Missionary Visa na inaasahang magtatapos na sa ika-5 ng Setyembre.
“She applied for a renewal of her passport pero hindi pa naman siya nare-reject diba kaya ngayon kung hindi pa siya nare-reject we still have hope diba, ang ano ko lang dyan it’s such a pity kasi she is a desirable alien, hindi siya undesirable alien, there so many undesirable alien na dapat palabasin and people like Sr. Fox we should really welcome them instead of sending them away.” Paglilinaw ni Sr. Mananzan.
Mariin ding nanindigan ni Sr. Mananzan na walang paglabag na ginawa si Sr. Fox sa kanyang Missionary Visa sapagkat sa loob ng halos 30-taon ay tanging aktibo ang madre sa pagbibigay ng espirituwal at moral na gabay sa mga naaabusong magsasaka at mga katutubo.