774 total views
Hinimok ng Philippine-Misereor Partnership Incorporated ang mamamayan na magkaisa at magtulungan upang maagapan ang tuluyang paglala ng epekto ng climate change sa mundo.
Binigyang diin ni Yolly Esguerra, National Coordinator ng grupo, na sa pamamagitan ng sama-samang lakas ng bawat tao, maisasakatuparan ang hamon ng kanyang Kabanalan Francisco na protektahan ang kalikasan.
“Kung gagawa ka ng isang bagay, kung gusto mo ng pagbabago kailangan mo ng makakasama, hindi pwedeng ikaw lang o pagbabago lang ng sarili mo, kailangan lahat magbago so dapat tuloy-tuloy yun na makipag-network, makipagusap, makipag tulungan,” pahayag ni Esguerra sa Radyo Veritas.
Hinimok din ni Esguerra ang bawat botante na suriin ang mga kandidato at iboto ang, makadiyos, makatao, at makakalikasan.
Bilang pantulong sa mga botante siniyasat ng PMPI ang mga batas at platapormang inilalatag ng mga kandidato at sinuri kung kabilangdito ang mga usaping pangkalikasan.
“Ginawa namin ito, para tulungan yung mga botante na makapag desisyon kung sino ba yung dapat naming iboto, so ang ginawa naming nag research kami ng background ng mga tumatakbo ngayon, and then yung kanilang mga ginawa habang sila ay public servant.” Paliwanag ni Esguerra.
Una na ngang hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang 54.6milyong botante na huwag sayangin ang karapatan sa pagboto dahil ito’y isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.