152 total views
Mga Kapanalig, habang abalá ang marami sa atin sa mga isyung ‘ika nga’y malapit sa sikmura—gaya ng nagtataasang presyo ng mga bilihin—at habang nililito tayo ng ating mga lider para lamang pagtakpan ang kanilang mga pagkukulang, halos 400,000 na Pilipinong ilegal na namamalagi sa isla ng Sabah sa Malaysia ang maaaring makulong doon.
Ito ang kanilang posibleng sapitin nang magtapós noong Huwebes ang dalawang taóng Voluntary Deportation Program ng Malaysia, isang amnesty program kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga tinatawag na undocumented Filipinos doon na lisanin ang bansa at bumalik sa Pilipinas. Sa 400,000 na Pilipinong pumasok sa Malaysia sa ilegal na paraan, halos 6,000 lamang o wala pang isang porsyento sa kanila ang pumayag sa amnesty. Hindi na raw palalawigin o ie-extend ng Malaysia ang nasabing amnesty program.
Mukhang hindi umubra ang pakiusap ng pamahalaan natin, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs o DFA, sa ating mga kababayan doon na bumalik na lang kaysa makulong habang dinidinig ang kanilang deportation case. Hindi pa malinaw kung ano ang konkretong aksyong gagawin ng pamahalaan, maliban sa pagsasabing magbibigay sila ng tulong sa mga maaapektuhan ng crackdown ng pamahalaang Malaysia sa mga illegal migrants.
Ngunit ang isyung ito ay hindi lamang tungkol sa pagpasok ng mga kababayan natin sa Malaysia sa paraang labag sa batas doon. Dapat nating maintidihang ang mga Pilipinong nasa sa Sabah ay mula sa Mindanao. Galing sila sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at iba pang probinsyang matindi ang kahirapan at mailap ang kapayapaan. Sila ang mga kababayan nating hindi nakatitikim ng bunga ng kaunlaran ng bansa, mga kababayan nating pinagkakaitan ng pagkakataong umunlad, mga Pilipinong hindi nararamdamang bahagi sila ng ating bayan. Sila ang mga kababayan nating piniling makipagsapalaran sa Sabah upang makalayo sa digmaan at makahanap ng hanapbuhay.
Tayong mga kababayan nila ang unang nagtaboy sa kanila.
Maganda ang paalala ni Pope Francis sa isang pulong tungkol sa immigration. Aniya, ang mga migrante ay hindi lamang mga numero, hindi lamang sila mga statistics. Sila ay mga taong may sariling kasaysayan, may mayamang kultura, may pakiramdam, at may mga pangarap para sa kanilang pamilya. Sila ay mga kapatid nating nangangailangan ng tuluy-tuloy na tulong, anuman ang estado ng kanilang pamamalagi sa isang dayuhang bansa. Lahat sila, pagbibigay-diin pa ng Santo Papa, ay naghahangad na tayong mga may kakayanan at nakaririwasa, ay magkakaroon ng tapang at malasakit upang buwagin ang bakod ng kawalang-pakialam na nagpapalalâ sa kanilang kalagayan.
Nasa krisis ang mga kababayan natin sa Sabah. Kung itutuon lamang ng ating pamahalaan ang atensyon, lakas, at pondo nito sa pagtiyak na may kinabukasang naghihintay sa mga kababayan natin sa pagbabalik nila sa Mindanao, hindi tayo hahantong sa ganitong kalagayan. Ano kaya ang plano ng administrasyon, lalo na ng ating presidenteng mula sa Mindanao, upang tugunan ang pangangailangan ng mga kababayan nating nalalagay sa alanganin sa Sabah? Sa halip na makipag-away sa mga kritiko, bakit hindi ito ang pagtuunan ng panahon ni Pangulong Duterte?
Mga Kapanalig, hinihingi ng kalagayang ito ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang Simbahan. Nariyan ang Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People ng CBCP. Bagamat kakaunti ang mga Katoliko sa mga lugar sa Mindanao na pinanggagalingan ng mga nagtutungo sa Malaysia, sinisikap ng mga diyosesis roong makisangkot sa pagtiyak na napapangalagaan ang dignidad at karapatan ng mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa ibang bayan.
Tayo namang malayo roon, maliban sa pag-alala sa mga kababayan natin sa ating mga panalangin, humanap tayo ng paraan upang maipakita ang pakiiisa natin sa pagdurusa nila. Sabi nga ni Pope Francis, “Ang sukatan ng kadakilaan ng isang lipunan ay matatagpuan sa kung paano nito tratuhin ang mga nangangailangan at walang-wala sa buhay.”
Sumainyo ang katotohanan.