167 total views
Nangangamba ang mga magsasaka ng sibuyas sa Nueva Ecija sa binabalak ng pamahalaan na mag-angkat ng mga produktong sibuyas.
Ayon kay Dandyl Tañedo, Secretary ng Katipunan ng mga Samahang Magsisibuyas ng Nueva Ecija o KASAMNE, malaki ang magiging epekto nito sa Lokal na produksyon ng sibuyas kung papayagan ng pamahalaan ang importasyon.
Pangamba ng grupo na mas tatangkilin ng mamamayan ang mga imported na sibuyas at hindi ang lokal na produkto.
“Nakakatakot paano ma-ipoproduce ang aming mga sibuyas kapag nag-import sa ibang Bansa papaano na ang amin, kaya naman nakababahala na. Kapag may nakapasok na imported na Sibuyas ay malaki ang magiging epekto sa ating Ekonomiya.” pahayag ni Tañedo sa Radio Veritas.
Magugunitang ika – 23 ng Agosto ng hilingin ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol sa Bureau of Customs na suspendihin ang special safeguard o ang taripa na ipinapataw sa sibuyas upang makatulong mabawasan ang presyo nito sa pamilihan.
Nanindigan ang KASAMNE na hindi makabubuti sa lokal na mga magsasaka ang panukala ng pamahalaan dahil maaring dahilan ito sa tuluyang pagkawala ng industriya ng sibuyas sa bansa.
EPEKTO NG TRAIN LAW
Naniniwala rin ang grupo na may epekto ang ipinatupad na reporma sa pagbubuwis ng pamahalaan o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law dahil sa mga kagamitan ng mga magsasaka na nangangailangan ng langis.
PRODUCTION COST
Inihayag ni Tañedo na aabot sa P122, 000 ang ginagastos ng mga magsasaka sa kada isang ektaryang lupa na tinatamnan ng sibuyas kabilang na dito ang pagsasaayos sa lupa.
Sa kabuuang 1, 400 ektaryang taniman ng sibuyas ng KASAMNE, umaabot sa 400 kahon ang inaaning sibuyas na may 30 kilo ang kada kahon.
Ipinagtataka naman ni Tañedo na 60 pesos lamang kada kilo ng sibuyas ang bili ng mga negosyante sa mga magsasaka ngunit doble na ang halaga nito sa mga pamilihan.
Dahil dito, hinamon ng grupo ang pamahalaan na suriin ang labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas gayong mababa ang bili nito mula sa mga magsasaka.
Unang hinimok ng Simbahang Katolika sa bansa ang pamahalaan na suportahan ang lokal na mga magsasaka upang lalo itong mapalago at makatutulong sa mamamayan at sa Ekonomiya ng bansa.