248 total views
Hinamon ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Clergy ang mga Pari, Relihiyoso at Relihiyosa na tularan ang kalinisan at katapatang taglay ng puso ni Padre Pio.
Ito ay kaugnay sa nalalapit na pagbisita ng hindi naaagnas na puso ni Sto. Padre Pio sa Pilipinas sa sususnod na buwan.
Ayon sa Obispo, naranasan ni Padre Pio ang mismong sugat ni Hesus at nakibahagi ito sa kanyang paghihirap na patunay na sa bawat pagsubok na kinakaharap ng mga pari, relihiyoso at relihiyosa ay kasama ang Diyos.
“Katulad ni Padre Pio ay manatili po tayong tapat sa kabila ng mga pwedeng suffering that we are experiencing sapagkat si Padre Pio pinagkatiwalaan ni Hesus na yung kanyang mga sugat ay maranasan din ni Padre Pio kaya sa kabila nung mga kahirapan at mga pasakit sa katawan ay ginawa pa n’yang daan upang s’ya ay mapalapit sa Diyos kaya kung ano man ang nararanasan nating kahirapan ay makikita natin dun si Hesus.” pahayag ni Bishop Famadico sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Obispo dumalaw man o hindi ang relikya ni Padre Pio sa bansa ay kinakailangang mapagibayo ng mga pari, relihiyoso at relihiyosa ang kanilang pag-ibig at katapatan sa sinumpaang tungkulin sa Diyos.
Umaasa si Bishop Famadico na maging instrumento ang bawat isa upang si Hesus ay tunay na maranasan ng lahat ng mga mananampalataya lalo’t higit sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan at ng simbahan sa kasalukuyan.
“Yung patuloy na pamumuhay bilang isang anak ng Diyos at pagiging tapat sa charism bilang isang religious at higit sa lahat para sa mga pari na maging instrumento upang si Hesus ay maranasan lalo’t higit sa present situation na ito.” Dagdag pa ng Obispo
Sa ika-5 ng Oktubre darating sa Pilipinas ang Relikya ng hindi na-aagnas na puso ni Padre Pio, at mananatili ito sa bansa hanggang sa ika-26 ng Oktubre.
Ngayong ika-20 ng Septyembre ay gugunitain naman ang ika-100 taon ng stigmata ni Padre Pio habang ipagdiriwang naman ang ika-50 taon ng kanyang kamatayan sa ika-23 ng buwang kasalukuyan.