289 total views
Kinundena ng mga magsasaka ang pananamantala ng pamahalaan sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Ayon kay Zenadida Soriano, National Chairperson ng National Federation of Peasant Women, ginagamit ng mga opisyal ng pamahalaan ang mataas na inflation rate sa bansa upang ikatwiran ang panukalang pag-aangkat ng bigas.
“Sinasamantala ng mga ekonomistang ito ang pagkakataon para maisulong ang dagdag na namang importasyon ng bigas.” pahayag ni Soriano sa Radio Veritas.
Sinabi ni Soriano na kinakatigan lamang ng economic managers ng administrasyong Duterte ang pribadong sektor sa pagkontrol ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority, naitala ang 6.4 porsiyentong inflation rate sa bansa mas mataas ng 2.6 porsiyento kumpara noong nakalipas na taon sa kaparehong buwan.
Samantala, ang kabuuang rice inventory naman sa bansa noong ika – 30 ng Agosto ay umabot sa mahigit 2 milyong metriko tonelada na sasapat lamang ng 64-araw kung saan higit 992 libo metriko tonelada dito ay nasa households, 46 na porsiyento naman sa mga commercial warehouses habang halos 6 na porsiyneto lamang ang hawak ng National Food Authority.
“Kaya hindi talaga mai-stabilize ng NFA ang presyo dahil halos wala siyang hawak na stock ng NFA rice kumpara sa hawak ng commercial warehouses.” dagdag ni Soriano.
Muling iginiit ng grupo na dapat ihinto ng pamahalaan ang ipinatupad na reporma sa pagbubuwis o ang tax Reform for Accelaration and Inclusion Law na nagdulot ng pagtaas ng presyo sa mga bilihin sa bansa.
Iginiit din ng grupo na dapat magpatupad ng price control ang gobyerno at buwagin ang mga rice cartels sa bansa.
Naunag sinabi ng grupong Bantay Bigas na dapat tangkilikin ang sariling produkto ng bansa sa halip na mag-import.
Read more: Tangkilikin ang sariling atin
Sang-ayon naman ang Simbahang Katolika na dapat palawakin ng pamahalaan ang pagtulong sa mga magsasaka upang higit na mapatatag ang lokal na produksyon na titiyak sa suplay ng pagkain sa bawat mamamayan.