186 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang National Police Commission at iba pang tagapagpatupad ng batas na panatilihin ang kababaang loob at pagiging makatao.
Ito ay kaugnay sa pagdiriwang ng ika-52 taong anibersaryo ng National Police Commission o NAPOLCOM kung saan pinangunahan ng Kardinal ang banal na misang ginanap sa DILG-NaPolCom Building sa Quezon City noong ika-7 ng Septyembre.
Ayon sa Kardinal, dapat maging maingat sa paghusga sa kapwa dahil maaring magdulot ito ng maling panghuhusga tulad ng ginawa ng mga Pariseo kay Hesus na nagdala sa kanya sa kamatayan.
Ipinaalala ng Kardinal na bagamat madaling husgahan ng tao ang kilos o galaw ng kanyang kapwa ay tanging ang Panginoon ang nakakikita ng tunay na nilalaman ng puso ng bawat isa.
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na sa huling yugto ng ating buhay ay ang Diyos din ang huhusga sa bawat tao at ang mga nakatakas sa batas ay hindi makalulusot sa hatol ng Panginoon.
“St. Paul reminds us, We see the action, but God sees the heart. So in the end, the one who can make a just judgment is God and all of us are Accountable to God even those who can run away from Human Laws in the end cannot run away from God who sees the heart and who is the Real law giver,” bahagi ng homiliya ni Kardinal Tagle.
Dahil dito, iginiit ng Kardinal na kinakailangang maging maingat sa pagdedesisyon at paghatol ang mga pulis, at panatilihin ang kanilang kababaang loob sa pagpapatupad ng mandato nito na protektahan ang mamamayan.
“Kaya po isa itong magandang paalaala sa atin kasi po sa ating mga trabaho, kayo sa NaPolCom you have to do a bit of Judgement, kami rin po bilang mga Pari kinokonsulta kami, so sometimes you have to make some decisions, but we are being reminded by the readings of today, be cautious and humble, let us not pretend that we can read the minds and hearts of people, in other words we cannot play God.” Dagdag pa ng Kardinal
Hinimok naman ng Kardinal ang mga Opisyal at lahat ng bahagi ng NaPolCom na maging consistent sa ipinatutupad nitong batas at sa kanilang pang-araw-araw na aksyon at pagkilos.
Hinikayat ng Kardinal ang mga Opisyal at kawani ng NAPOLCOM na manguna sa pagiging modelo sa pagsunod sa batas upang maging katanggap-tanggap sa mamamayang pinaglilingkuran.
“And secondly, we need to be Trustworthy, the consistency of our life, Our external life and also what we are proposing. We are the first ones who should live according to the wine that we want others to accept and to drink.” Dagdag pa ni Kardinal Tagle.