206 total views
Dapat maglaan ng sapat na pondo ang Pamahalaan upang ganap na mapigilan ang pagpasok sa mga pantalan ng illegal drugs mula sa iba’t-ibang bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Gilbert Billena, Spokesperson ng Rise Up for Life and for Rights, dapat mas paglaanan ng pondo ng pamahalaan ang tuluyang pagsawata sa pagpasok ng supply ng illegal na droga sa bansa sa pamamagitan ng pagtutok sa mga pantalan ng Bansa.
Iginiit ng Pari na dapat paglaanan ng pondo ang pagpigil sa paglaganap ng illegal na droga sa halip na paglaanan ng pondo ang mga kampanya tulad ng war on drugs.
“Gumastos din ang Gobyerno dapat ng milyong milyong pera, may milyon milyong pera para sa karahasan pero wala namang iba-budget para sa prevention para maipigilan ang pagpasok ng mga illegal na droga sa ating bayan. Malinaw naman yun sa mga balita kung saan galing itong mga Illegal na droga sa China.” pahayag ni Father Billena sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang hinamon ng Rise Up for Life and for Rights ang pamahalaan na paghuli sa mga drug suppliers at pagharang sa pagpasok ng mga illegal ng droga sa bansa.
Bukod dito, iginiit din ng Pari ang dapat na pagpapanagot ng pamahalaan sa mga nasa likod ng pagpupuslit ng droga sa bansa.
Tinukoy ng Pari ang nasa likod ng nakumpiskang shabu na nagkakahalaga ng 6.4 na bilyong piso sa Valenzuela City na nakalusot sa Bureau of Customs.
Sa pagtataya ng mga Human Rights group nananatili sa 3 hanggang 5-indibidwal pa rin ang napapatay kada araw sa pinaigting na kampanya ng Pamahalaan sa illegal na droga.
Sinasabing umaabot na sa 23-libo ang kaso ng drug-related killings simula ng manungkulan ang Pangulong Rodrigo Duterte.