324 total views
Opisyal na inilunsad ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) National Capital Region (NCR) Advocacy Committee ang Huwag Kang Magnakaw Month sa Don Bosco Technical College, Mandaluyong City.
Ayon kay Rev. Fr. Atilano “Nonong” Fajardo, CM–Chairman ng CEAP-NCR Advocacy Committee at Head ng Archdiocese of Manila Public Affairs Ministry, layunin ng naturang inisyatibo na simulan sa mga Eskwelahan ang pagsusulong ng katapatan, integridad at pagiging bukas-palad ng mga kabataang mag-aaral.
Sinabi ng Pari na sa ganitong paraan ay maipapalamas rin ng mga Catholic school ang ganap na pakikibahagi sa mga usaping panlipunan partikular na sa pagsusulong ng pagbabago.
“Ngayong araw po ay nilo-launch ng CEAP-NCR Advocacy Commission na nagkataon ako din po ang head ito pong Huwag Kang Magnakaw Month, sinisimulan po natin sa lahat ng Eskwelahan yung initiative po for honesty, Integrity and Generosity para po nang sa ganun ang bawat eskwelahan po ay patuloy na magbigay ng kanilang mga pwedeng ipakita na ang Catholic School pala ay talagang bahagi nung pagbabago ng bayan…” pahayag ni Father Fajardo sa panayam sa Radyo Veritas.
Gayunpaman nilinaw ng Pari na ang pagbabago sa bayan ay dapat na magsimula sa sarili na sinisimbolo ng pagiging malapit sa puso ng mga salitang nakaimprenta sa mga Huwag Kang Magnakaw t-shirt na isa sa paraan ng pagpapalaganap ng naturang Adbokasiya.
Ipinaliwanag ni Father Fajardo na sa pamamagitan ng kusang pagbabago sa sarili, sa pamilya at sa Institusyon kinabibilangan ay mas posible ang pagsusulong ng mga solusyon sa mga suliraning kinahaharap ng ating bansa.
Ang CEAP-NCR ay binubuo ng 173 member Catholic schools mula sa 8 Diyosesis sa National Capital Region.
Matatandaang December 16, 2014 kasabay ng pagsisimula ng Misa de Gallo o Simbang Gabi ng Opisyal na inilunsad ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang “Huwag Kang Magnakaw” t-shirt drive na hango sa ika-pito sa sampung utos ng Diyos.
Layunin ng kampanya na maipakita ng mamamayang Filipino ang sentimiyento mula sa pagkakabunyag ng mga kaso ng katiwalian at kurapsyon sa kaban ng bayan noong 2013 partikular na ang pagkakabunyag sa 10-bilyong pisong Priority Development Assistance Fund scam.