212 total views
Mga Kapanalig, ngayong pumalo na sa 6.4% ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin—ang pinakamataas sa nakalipas na siyam na taon—mukhang matinding paghihigpit pa ng sinturon ang kailangan nating gawin, lalo na ng mahihirap at mga manggagawang mababa ang naiuuwing sahod o kaya nama’y mawawalan ng trabaho bukas-makalawa.
Gayunman, patuloy na iniiwasan ng Administrasyong Duterte na kaharapin ang matatawag na nga nating “krisis” sa pagkain. Sinasabi ng kanyang mga Economic Managers na ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin ay masakit ngunit hindi maiiwasang bahagi ng pag-unlad. Lilipas din daw ito. Ang kalihim naman ng Department of Agriculture, pilit tayong kinukumbinsing ligtas isaing at kainin ang bigas na may bukbok. Maging si Pangulong Duterte, itinangging may kakulangan tayo sa murang bigas—kailan kaya siya huling nakabisita sa mga palengke at tindahan ng bigas?
Dahil kumbinsido ang administrasyong Duterte na wala tayong problema sa bigas at sa presyo ng mga pangunahing bilihin, inuna ni Pangulong Duterte, kasama ng napakarami taga-gobyerno, ang pagpunta sa Israel nitong nakaraang linggo. Binisita niya ang mga OFWs roon. Kumausap siya ng ilang mamumuhunan, at pinag-usapan kasama ng mga lider ng Israel ang tungkol sa pagbili ng bagong mga armas. Wala naman tayong nakikitang problema sa pagkumusta ni Pangulong Duterte sa mga OFWs, na talaga namang sinusuportahan siya. Kung matuloy naman ang mga business deals na nilagdaan ni Pangulong Duterte sa Israel, inaasahang makatutulong ito sa ekonomiya.
Ngunit ang bumili ng bagong armas? Para saan kaya? Katwiran ng pangulo, mas mainam daw bumili ng armas at military equipment sa Israel dahil wala raw itong ipinapataw na mga restrictions, hindi tulad ng Amerika at Germany na nagbebenta ng armas sa mga bansang pinamumunuan ng mga lider na kumikilala sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Noong 2017, umabot sa 21 milyong dolyar o mahigit isang bilyong piso ang halaga ng radar at anti-tank equipment na binili natin sa Israel. Israel din ang nag-supply ng armas na ginamit ng Myanmar upang palayasin ang mga Rohingya, ang Muslim minority sa bansang iyon. Inihahanay talaga tayo ni Pangulong Duterte sa mga bansang malulupit sa kanilang mamamayan.
Sa kalagayan natin ngayon, mga Kapanalig, malinaw na hindi armas ang kailangan natin. Hindi malalamnan ng mga ito ang kumakalam na sikmura ng mga nagugutom nating kababayan. Hindi mabibigyan ng mga ito ng trabaho ang milyun-milyong Pilipinong walang hanapbuhay. Hindi nito masusolusyonan ang problema natin sa kahirapan. Pagkain at abot-kayang bilihin ang kailangan natin, hindi armas, hindi dahas.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang estado ay isang instrumento sa pagtataguyod ng dignidad ng tao, sa pangangalaga sa mga karapatang pantao, at sa pagtitiyak ng kabutihang panlahat o common good. Gamit ang mga ito bilang batayan ng ating pagsusuri sa kaso ng pagbili ng armas sa Israel sa gitna ng pag-aray ng mga Pilipino sa nagtataasang presyo ng mga bilihin, malinaw na ang dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ay kung paano masasawata ang mga negosyanteng nagsasamantala sa mataas na halaga ng mga bilihin. Dapat din nitong tiyaking may sapat na supply tayo ng bigas na ligtas kainin. Dapat ding pabilisin ang pagtatayo ng mahahalagang imprastraktura upang makarating ang pagkain sa mga pamilihan at maiwasan ang kakulangan.
Mga Kapanalig, hindi natin sinasabing dapat isantabi ng pamahalaan ang seguridad ng mga Pilipino lalo pa’t hindi nawawala ang banta ng terorismo at karahasan. Ngunit hindi naman malabis hilingin sa pamahalaang linawin ang mga prayoridad nito, lalo pa’t pera ng bayan ang gagamitin sa pagbili ng mga armas. Tunay na naitataguyod ng pamahalaan ang dignidad ng mga Pilipino at ang kabutihan ng lahat kung may pagkain sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino.
Sumainyo ang katotohanan.