951 total views
Mga Kapanalig, may banta noong kanyang ikatlong State of the Nation Address o SONA si Pangulong Duterte: “The illegal drugs war will not be sidelined. Instead, it will be relentless and chilling, if you will, as on the day it began.” Kasabay ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at walang katapusang ingay sa pulitika, nagpapatuloy nga ang kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga. Patuloy na nadadagdagan ang mga pinatay dahil sa kanilang pagkakasangkot umano sa droga.
Noong isang linggo lamang, pinatay ang ikalimang meyor na kasama sa listahan ng mga umano’y narco-politicians na isinapubliko ng pangulo noong 2016. Pinatay si Mayor Mariano Blanco III ng Ronda, isang bayan sa Cebu, sa loob mismo ng munisipyo. Noong Pebrero ng taóng ito, napatay din ng mga ‘di pa nakikilalang suspek ang kanyang pamangkin at siya ring bise-alkalde ng Ronda. Kabilang si Mayor Blanco sa 20 lokal na opisyal na inalisan ng awtoridad na pangasiwaan ang kapulisan sa kanilang lugar dahil daw sangkot sila sa ipinagbabawal na gamot. Mula noon, nangamba na para sa kanyang buhay ang alkalde, kaya iniiba niya ang kanyang ruta araw-araw o kaya nama’y nagpapalipas ng gabi sa munisipyo. Noong nakaraang linggo, hindi na niya natakasan ang kamatayan.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA noong Hulyo, mahigit 4,000 na ang naitalang mga napapatay sa mahigit isandaang libong anti-drug operations ng mga pulis. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang mahigit 20,000 kaso ng pagpatay gaya ng mga vigilante-style killings na iniimbestigahan pa, gaya ng nangyari kay Mayor Blanco. Hindi pa rin nawawala ang mga napapatay na iniiwan na lamang ang kanilang bangkay sa tabi-tabi.
Sa dalas ng mga patayang kaugnay ng war on drugs, hindi na natin inaaalam ang totoo dahil hindi naman sinisikap ng kinauukulang alamin at patunayan kung totoo nga bang sangkot sa droga ang mga pinatay. May kaugnayan nga ba ang mga napapatay sa ilegal na droga—ang mga tinaguriang narcopoliticians, ang libu-libong nasa drug watchlist at pinatay, ang mga sinasabing “nanlaban” sa mga pulis? At kung hindi na inaalam ang katotohanan, walang katarungang makakamit. Hindi natin alam kung totoong sangkot sa paggamit at pagtutulak ng droga ang libu-libong namatay sa giyera kontra droga ng pamahalaan, ngunit ito ang malinaw: namatay silang may dungis ang kanilang mga pangalan.
Hindi natin kinukunsinte ang maling ginagawa ng mga sangkot sa ilegal na droga. Ang panawagan natin ay katotohanan at katarungan, na mangyayari lamang kung may due process—kabilang rito ang maayos na pag-iimbestiga, agarang pagsasampa ng kaso, at patas na paglilitis at paghuhusga. Ngunit imposibleng mangyari ito kung “relentless” at “chilling” na mga pamamaran ang gagamitin ng pamahalaan upang tuldukan ang isyu ng droga.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, hindi maihihiwalay ang katotohanan sa katarungan. Kung ang ating pamumuhay ay nakabatay sa katotohanan, ito ay maayos, mabunga, at tumutugon sa ating dignidad bilang mga nilkha ng Diyos. Kung pinagpupunyagian natin ang katarungan, ibinibigay natin sa Diyos at sa ating kapwa ang naaayon sa kanila. Sa madaling salita, huwad ang katarungang nababahiran ng pagdududa. Itinatago naman natin ang katotohanan kung baluktot na uri ng katarungan ang pinaiiral natin.
Mga Kapanalig, sa mahigit dalawang taóng itinatakbo ng “war on drugs” ng pamahalaan, saan na ba tayo nito dinala bilang isang bayan? Tunay ngang hindi madaling hanapin at panindigan ang katotohanan at katarungan, at nakalulungkot na marami nang bumitiw dahil naging manhid na sa araw-araw na patayan. Sa mga mangilan-ngilang naniniwala pa sa kahalagahan ng katotohanan at katarungan, huwag sana tayong mapapagod at susuko.
Sumainyo ang katotohanan.