276 total views
Iminungkahi ng Consumer Sector sa Gobyerno na tanggalin na ang 12 percent value added tax sa mga bilihin at serbisyo dulot na rin ng patuloy na pagtaas ng inflation.
Ayon kay RJ Javellana ng United Filipino Consumers and Commuters, kailangan ding alisin ang Excise tax sa mga produktong petrolyo at asukal para makatulong na bumaba ang inflation rate.
Iginiit ni Javellana na ang mga tax measures ay naging dahilan ng mga pagsasamantala para isulong ang pag-angkat ng mga produkto sa ibang bansa.
“Ang lahat ng ito ay patungo sa pagbibigay ng dahilan para sa importasyon. Jina-justify ang isang sitwasyon ang isang kondisyon ‘Mind Setting’ para ang mga Negosyanteng ito ay may kasabwat para i-exploit ang sitwasyon,” ayon kay Javellana.
Inihayag ni Javellana na ramdam na ng mamamayan ang labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin kung saan higit pa sa 20 porsyento ang itinaas ng presyo sa mga pamilihan.
Ayon kay Javellana, sa kasalukuyan ay mahaba rin pila sa mga bentahan ng NFA rice na nagkakahalaga ng 37-piso kada liko at 15 piso na rin ang itinaas sa presyo ng gasolina simula noong Enero.
“Hindi na nila maintindihan kung paano magtitipid. Malinaw na hindi lamang sa 20 porsiyento ang idinagdag sa halaga ng bilihin na bunga ng inflation. Marami ding lugar ang mamamayan ay nakapila at bumili ng bigas sa NFA. Iisa lang ang kanilang opsyon dahil mas mura ang NFA rice kaysa sa commercial rice,” ayon kay Javellana.
Hinihikayat din ni Javellana ang Gobyerno na magsagawa ng pagsusuri sa mga ‘rice warehouse’ sa bansa upang tiyakin na hindi sinasamantala ng mga Negosyante ang kasalukuyang krisis sa bigas.
“Kung walang Shortage sa bigas, marahil dapat tingnan ang mga bodega ng traders kung may pagkontrol o hoarding. Ang opsyon naman ng mga magsasaka imbes na ibenta sa NFA ang kanilang bigas…medyo mura kasi ang bili ng NFA kumpara sa mga Traders na mas mataas. Ang ginagawa naman ng mga traders ay sinasamantala at sinabayan pa ng naantalang importasyon ng 800 metric tons na bigas,” ayon kay Javellana.
Naniniwala din si Javellana na kabilang sa dahilan ng mataas na inflation ang TRAIN Law na ipinatupad ng Gobyerno noong Enero.
Sa kabila ng mga ulat hinggil sa rice shortage, tiniyak ng Pangulong Rodrigo Duterte na walang kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa.
Una na ring nagbabala ang Santo Papa Francisco na ang kakapusan ng pagkain ay hindi dahil sa kakulangan ng pagkukunan kundi dahil sa pang-aabuso at kasakiman ng iilan.