157 total views
Naghahanda na ang Simbahan at mga lokal na pamahalaan sa posibleng pagtama ng bagyong Ompong sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Batanes Bishop Danilo Ulep, bagama’t kalalabas pa lamang ng bagyong Neneng na nagdulot ng malalakas na pag-ulan sa kanilang lugar ay pinaghahandaan naman nila ang pagpasok ng isa pang bagyo.
“There is another, very strong coming and that is what we are preparing for,” ayon kay Bishop Ulep.
Humihingi rin ng panalangin ang Obispo na nawa ay hindi maging mapanira ang papalapit na bagyo na inaasahang makakaapekto sa bahagi ng Northern Luzon kabilang na ang Batanes at Cagayan.
“Kami lahat dito sa Batanes the church together with the government we are preparing for the worst that could happen. And we hope and pray hard na hindi sana matuloy na tatama sa kalupaan ang malakas na bagyo,” ayon kay Bishop Ulep.
Tiniyak naman ng Obispo ang patuloy na pagtutulungan ng Simbahan at pamahalaan sa Batanes lalut hindi na ito ang kanilang unang karanasan sa mga bagyong dumadaan sa lugar.
Taong 2016 nang manalasa sa Batanes at Babuyan group of islands ang bagyong Ferdie na nagparalisa ng komunikasyon sa lalawigan, sumira sa kanilang mga bahay, gusali at mga panananim.
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA, ang international typhoon Mangkhut na tatawaging bagyong Ompong sa pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility sa araw ng Miyerkules.