217 total views
Isang pambihirang pagkakataon ang nalalapit na pagbisita ng relikya ng puso ni St. Padre Pio sa Pilipinas.
Ayon kay Father Joselin Gonda – rector ng Shrine of St. Padre Pio sa Sto. Tomas Batangas, bihirang napahihintulutang ilabas ng Italya ang relikyang puso ni Padre Pio.
Dahil dito, isang malaking biyaya hindi lamang sa dambana ng Sto. Padre Pio sa Batangas, kundi maging sa mga pari, relihiyoso at relihiyosa at sa buong Pilipinas lalo na sa dami ng suliraning kinakaharap ngayon ng bansa.
“Medyo malaking pangyayari ito sapagkat yung puso mismo ni Padre Pio ang dadating. Very rare privilege and blessing na makaalis yung puso ni Padre Pio na makabisita dito sa atin. Kaya ito’y hindi blessing lamang sa Shrine, hindi lang blessing ito sa mga pari, blessing ito sa buong pilipino people sapagkat yung puso ni Padre Pio na hindi na agnas na patunay ng kan’yang kabanalan, patunay ng kan’yang pagmamahal ay bibisita sa atin, so magiging inspirasyon ito para sa mga Pilipino para mabigyan ng pag-asa, para maging mabuti, para maging banal.” pahayag ni Father Gonda sa Radyo Veritas.
Dahil dito, inanyayahan ni Father Gonda ang mga mananampalataya na bisitahin ang iba’t-ibang mga lugar na pagdadalhan ng relikya ni Padre Pio.
Sa ika-5 ng Oktubre nakatakdang dumating sa bansa ang relikya ng santo at mananatili ito sa dambana ni Sto. Padre Pio sa ika-6 hanggang ika-7 ng Oktubre.
Kasunod nito ay dadalhin sa Manila Cathedral sa Oktubre 8 hanggang 10 ang relikya at ililipat naman sa Cebu Cathedral sa Oktubre 11 hanggang 13.
Dadalaw din ang puso ni Padre Pio sa Davao Cathedral sa ika-14 hanggang 16 ng Oktubre, bago ito bumalik sa Batangas sa ika-17 ng buwan at mananatili na sa National Shrine of St. Padre Pio simula ika-18 hanggang ika-26 ng Oktubre.
“Inaanyayahan ko po kayong lahat mga Pilipino mga mananampalataya na bumisita mag-venerate igalang ang puso ni Padre Pio na darating dito sa ating bansa. Mananatili po sa ating bansa ng dalawampung araw, sampung araw po sa National Shrine, tatlong araw po sa Manila, tatlong araw po sa Cebu, tatlong araw po sa Davao, lahat po ng tao sana makarating, makapagbigay galang at makahingi ng biyaya sa Diyos sa tulong ni Padre Pio, at ito’y maging biyaya sa ating buong bansa.” Dagdag pa ng Pari.
Umaasa si Father Gonda na ang natatanging pagkakataong ito para sa mga Pilipino ay magiging daan upang lalo pang mapayabong ng bawat isa ang kanilang pananalangin at pagtitiwala sa Panginoon.
Ipinagdarasal ng Pari na matularan din ng mga mananampalataya, ang kadalisayan at katapatang taglay ng puso ni Padre Pio.
Una nang dinala ang relikya ng puso ni Padre Pio sa Amerika, Paraguay, at Argentina at ang Pilipinas ang ika-apat sa mapapalad na bansang mabibisita nito.