207 total views
Nagpahayag ng pag-aalala at kahandaan na tumugon o tumulong si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, pangulo ng Caritas Internationalis sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyong Ompong.
Ayon kay Rev. Father Ricardo Valencia, Disaster Risk Reduction and Response Ministry head ng Archdiocese of Manila, nababahala si Cardinal Tagle para sa mga lugar na maaaring makaranas ng pananalasa ng bagyo kaya nais nitong malaman ang mga paghahanda na ginagawa ng bawat Diyosesis.
Sinabi ni Father Valencia na nais ni Cardinal Tagle na maging handa at pro-active ang Archdiocese ng Manila.
“The Cardinal is very much concern as of this moment, he’s looking for updates sa mga lugar na tatamaan ng bagyo and he wants us to be ready for immediate and pro-active response” ani Fr. Valencia,
Umaasa si Father Valencia na magiging maagap ang mga Diyosesis at maging kongkreto ang komunikasyon sa pagitan ng iba’t-ibang institusyon ng Simbahan.
Nagpahayag din ng katiyakan si Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Rev. Fr. Anton Pascual ng pagtulong sa mga maapektuhang Diyosesis.
“Let’s informed all the SAC [Social Action Center] Directors affected by the typhoon that we are ready to help” mensahe ni Fr. Pascual.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pasasalamat si Batanes Bishop Danilo Ulep sa ginagawang pagkilos ng Simbahan at pag-aalala sa kanilang kalagayan.
“Salamat ng marami sa concern. Right now we are closely in touch with the LGU in regard to our preparation, our lay leaders are likewise ready” pahayag ni Bishop Ulep.
Nagpahayag na rin ng pagkilos ang Archdiocese of Tugegarao sa Cagayan, Diocese of Ilagan sa Isabela, Diocese of Laoag sa Ilocos Norte at Apostolic Vicariate of Tabuk sa Kalinga at Apayao.
Kasalukuyan tinatahak ng Bagyong Ompong ang direksyon pa kanluran at inaasahang mananalasa sa Northern at Extreme Northern Luzon.