253 total views
Ilusyon at haka-haka lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang sinasabing pananabotahe sa pamahalaan sa ika-21 ng Setyembre.
Ito ang tugon ni Promotion of Church Peoples Response Spokesperson Nardy Sabino sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na mayroong planong pag-aaklas at assassination laban sa kanya sa susunod na linggo.
Iginiit ni Sabino na ang kinakailangang paghandaan ng Pangulo sa ika-21 ng Setyembre ay ang pakikinig sa mga hinaing na nais iparating ng mamamayan sa pamamagitan ng isasagawang malawakang pagkilos.
Ipinaliwanag ni Sabino na layunin ng nakatakdang pagkilos na ipaabot sa pamahalaan ang damdamin ng mamamayan laban sa Diktadurya, Tiranya at Karahasan kasabay ng patuloy na panawagan para sa katarungang panlipunan, kapayapaan at pag-unlad na matagal na hinahangad ng mamamayan.
“Malayo yun dun sa iniisip niya, isang Ilusyon, ang kailangan niyang paghandaan ay mapakinggan niya kung ano yung naisin, yung hinaing ng mga mamamayan kaya nga nais magtipon sa September 21 na ipaabot sa ating pamahalaan na ayaw sa Diktadurya, ayaw sa Tiraniya, ayaw sa pagpatay, ang hanap ng bayan ay katarungan, ang hanap ng bayan ay kapayapaan at pag-unlad ng bayan na mararamdaman ng mga maliliit nating kababayan…” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang inihayag ni Sabino na layunin ng nakatakdang United People’s Action na isasagawa sa Luneta na maipakita ang sentimiyento ng bawat isa para sa kalayaan ng bansa mula sa iba’t ibang banta.
Sa ika-21 ng Setyembre ang ika-46 paggunita sa Deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Pagbabahagi ni Sabino, tinatayang aabot sa 20,000 indibidwal ang inaasahang makikibahagi sa nakatakdang pagkilos kung saan magsasagawa muna ng Banal na Misa ang mga Katoliko habang magsasagawa rin ng Ecumenical Service ang mga Protestante at mga Born Again bago sama-samang magtungo sa Luneta ganap na alas-4 ng hapon para sa malawakang pagkilos.