634 total views
Isang paalala sa misyon ng pagpapari para kay Rev. Father Teresito Suganob ang pagsaksi sa ordinasyon ni Bishop Nolly Buco noong ika – 8 ng Setyembre.
Ayon kay Fr. Suganob, mahalaga ang nasabing araw lalo’t nalalapit ang anibersaryo ng kaniyang paglaya mula sa pagkabihag ng teroristang grupong Maute – ISIS noong nakalipas na taon.
“Touch na touch ako dahil ilang araw na lang, yun na ang 1 year Anniversary ko na nakaligtas ako sa kamay ng mga Captors ko na Maute ISIS. Yung ordination ay nagre-remind sakin na dahil Survivor pa ako nare-renew ako na masaya ang buhay ng pagkapari.” pahayag ni Suganob sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Pari na sa kabila ng pinagdaanan sa loob ng 117 araw na pagkabihag ng teroristang grupo ay lalong lumalim ang pagkahulugan ng pagiging pari at nagpayabong sa kaniyang bokasyon sa paglilingkod sa Panginoon.
Bukod dito ay palalawakin din ng pari ang paglilingkod sa kapwa lalo na sa mga mahihirap sa lipunan, mga inuusig at higit sa lahat ang paglilingkod sa Simbahang Katolika na ipinagkatiwala ng Panginoon sa mga itinalagang Pastol.
DEBOSYON SA MAHAL NA BIRHENG MARIA
Ikinatuwa rin ni Fr. Suganob na nabigyan ito ng pagkakataon na makapagdiwang sa kapanganakan ng Mahal na Inang Maria lalo’t may malalim itong debosyon sa Mahal na Birhen.
Sinabi nitong patron ng Marawi Cathedral ang Mahal na Ina at sa Chaplaincy na pinangangasisiwaan sa loob ng 17 taon.
Naniniwala rin ang pari na sa tulong at gabay ng Birheng Maria ay nakaligtas ito sa kapahamakan mula sa kamay ng teroristang grupo.
“Alam ko when I was still in captivity for 117 days Mother Mary had helped me alot and isa din sa reason na na-survive ako is because of the Intervention of the Blessed Virgin Mother.” dagdag ni Fr. Suganob.
MARTIAL LAW EXTENSION
Naniniwala si Father Suganob na layunin ng pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao ay upang mapigilan ng pamahalaan ang posibleng paglanaganap ng karahasan sa buong rehiyon tulad ng naganap sa Marawi City noong nakalipas na taon.
Nauunawaan ng pari ang hangarin ng pamahalaan na palawigin ang batas militar kasunod na rin ng mga insidente ng pagsabog sa ilang lugar sa rehiyon.
“Hindi ko masasabing pabor o kontra [Martial Law] yung sa akin lang maiintindihan ko kung bakit gawin ng Gobyerno kasi may purpose, para ma-control yung mga masasamang pangyayari.” paglilinaw ng Pari
Matatandaang inihayag ng administrasyong Duterte na maaring mapalawig ang Martial Law sa Mindanao matapos ang magkasunod na pagsabog sa Isulan Sultan Kudarat noong Agosto na ikinasawi ng 5 indibidwal habang halos 50 naman ang nasugatan.
Hinimok naman ni Fr. Suganob ang mamamayan na patuloy ang pagkakaisang panalangin para sa kapayapaan sa bansa at panalangin para sa mga namumuno sa pamahalaan na matugunan ang bawat suliraning kinakaharap ng bansa lalo na sa lugar ng mga Muslim.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika mahalaga ang pagkakaisa ng bawat mamamayan tungo sa mapayapa at maunlad na pamayanan.