287 total views
Tiniyak ng National Food Authority na bukas ang kanilang Regional Offices sa pakikipag ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at non government organizations sa pamamahagi ng tulong para sa mga labis na naapekuhan ng El Niño.
Ayon kay NFA Spokesperson Jerry Imperial, bukas ang ware house ng kanilang Regional Offices at nag-iikot ang kanilang mga tauhan upang abutin ang ilang liblib na bahaging hindi naaabot ng commercial traders.
Dagdag pa nito, siniguro ni Imperial na pinananatili ng NFA ang abot kayang presyo ng bigas para sa mga mahiirap.
“Ang NFA po so far at yung nangyari nga d’yang pangangailangan sa Kidapawan is concerned, we are ready and we are more than willing na makipag transact sa anu mang agency, LGU, DSWD na bibili ng bigas for distribution sa mga beneficiaries.” Pahayag ni Imperial sa Radyo Veritas.
Tiniyak din ng NFA na sapat ang supply ng bigas sa bansa, kahit na nabawasan ang mga ani dahil sa El Niño.
“Ang atin pong imbak na bigas sa hanay ng pamahalaan ay 22 million bags or 1.1 million metric tons and that is good for 34 days. Kung idadagdag po natin dyan yung nasa commercial level na mino-monitor ng Philippine Statistics Authority, we have 942,000 metric tons at yung sa household po sa mga bahay-bahay meron tayong 1 million metric tons. Total po kung pagsasama-samahin natin yung sa gobyerno, sa commercial at sa household, we have an inventory of approximately good for 94 days consumption.” Paliwanag ni Imperial.
Ayon sa NFA, sa huling tala ng National Statistics Authority, batay sa kasalukuyang dami ng populasyon sa bansa, umaabot sa 32,000 hanggang 35,000 metric tons ang nakokonsumong bigas ng buong Pilipinas kada araw, na kung susumahin ay aabot sa 1million metric tons na bigas kada buwan.
Una ng inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na hindi dapat magsayang ng pagkain dahil ang gawaing ito ay maikukumpara sa pagnanakaw ng kabuhayan ng mga mahihirap.