267 total views
Pag-aalay ng sarili, pagkakaisa at buong pusong paglilingkod.
Ito ang mga katangiang binigyang diin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na marapat taglayin ng bawat mananampalataya sa kanilang buhay lalo pa ngayong ipinagdiriwang ang kapistahan ng Banal na Krus.
Ayon sa Kardinal, nakababahala ang lumalaganap sa kasalukuyan na kultura ng pagiging makasarili at ang tila pagmamadali ng bawat tao na magkahati-hati sa halip na bumuo ng mga matatag at nagkakaisang komunidad.
Inihayag ni Cardinal Tagle na namamayani sa kasalukuyan ang pansariling interes ng mga makapangyarihan na nagdudulot ng pagkasira sa lipunan, sa mga pamilya at maging sa kapaligiran.
“Sa halip na ialay ang sarili, individualism ang namamayani. Hindi na yung “Ang sarili ko, iaalay ko,” nangyayari ngayon, “Ang sarili ko ang uunahin ko. Iyan ang isang mentalidad sa ating present culture. Unity, naku po, sa ating mundo ngayon parang nagmamadali magkaroon ng pagkakahati-hati sa halip na unity, sa halip na communion, sa halip na solidarity,” bahagi ng pahayag ni Kardinal Tagle.
Ipinagdiriwang ngayong ika-14 ng Septyembre ang kapistahan ng Banal na Krus, kung saan itinatampok at binibigyang pagpupugay ang krus na simbolo ng kaligtasan ng sanlibutan.
Dahil dito ipinaalala din ng Kardinal na lalong mapapupurihan ng tao ang Diyos at ang banal na krus kung maisasabuhay nito ang pag-aalay ng sarili, pagkakaisa at buong pusong paglilingkod sa kapwa.
“Ang banal na krus ay lalong napapapupurihan at siya rin po ay nagbibigay ng luwalhati sa Diyos Ama kung mayroong self-sacrifice, unity and service sa mga kaparian, sa pastoral council at iba pang mga council at ang mga parishioners.” dagdag pa ng Kardinal.
Kaugnay nito hinimok ni Kardinal Tagle hindi lamang ang mga pari, relihiyoso at relihiyosa kundi lalo’t higit ang mga mananampalataya na ituro sa mga kabataan ang tatlong katangiang ito na kalugod-lugod sa Panginoon.
Naniniwala si Kardinal Tagle na kung maipapasa sa mga kabataan ang pag-aalay ng sarili, pagkakaisa at buong pusong paglilingkod ay makakamit ang tunay na kasiglahan at kapayapaan sa mundo.