311 total views
Umapela ang CBCP NASSA / Caritas Philippines sa pamahalaan na tutukan ang iba’t-ibang suliraning panlipunan at pangkapaligiran, sa halip na ubusin ang oras nito sa mga kritko ng kasalukuyang administrasyong Duterte.
Ayon kay Father Edwin Gariguez, Executive Secretary ng Komisyon, mas nararapat na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang tumataas na inflation rate, patuloy na pagdami ng mahihirap na Pilipino at ang nararanasan ngayong matinding bagyo.
Iginiit ng pari na mas kinakailangan itong tugunan ng administrasyon at hindi ang pag-aaksaya nito ng panahon sa pagpapabagsak sa kanyang mga kritiko at paggamit pa sa national TV para lamang pag-usapan ang mga kumokontra sa Pangulo, tulad ni Senador Antinio Trillanes.
“Mas higit na pagtuunan ng pansin yung mga mahahalagang mga bagay. Yung kanilang kritiko o yung ginagawa kay Trillanes at nakahanda pang maglaan ang Pangulo ng mahabang panahon doon tulad ng ginawa sa National TV para lang pag-usapan yung issue na kung tutuusin ay hindi naman ganun kahalaga sa bayan. So mas pagtuunan ng pansin yung lumalalang inflation yung presyo ng bigas lalo’t higit yung mga disaster [sa bansa]” pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ni Father Gariguez na kaisa ng pamahalaan ang simbahan sa usapin ng pagsusulong ng kabutihan ng mamamayan.
Naniniwala ang pari na higit na naaapektuhan sa kasalukuyang kalamidad ang mga mahihirap na dapat bigyang prayoridad ng pamahalaan.
“Sa Gobyerno tayo nama’y kaisa nila lalo’t higit sa pagsusulong sa kapakanan ng mga mamamayan lalo’t higit sa mga mahihirap at sabi nga ni Pope Francis, ang higit na naaapektuhan sa ganitong mga kalamidad ay yung mga mahihirap kaya sana yung gobyerno sana ay mas higit na pagtuunan ng pansin yung mga mahahalagang mga bagay.” Dagdag pa ng Pari.
Unang nanawagan ang Simbahang Katolika ng maigting na pananalangin upang ipag-adya ng Panginoon ang bansa mula sa matinding kapahamakang dala ng bagyong Ompong.
Kasabay nito, naghahanda na ang iba’t-ibang organisasyon ng simbahan kabilang na ang Caritas Philippines at Caritas Manila upang magpaabot ng tulong sa mga masasalanta ng bagyo.
Read: https://www.veritas846.ph/caritas-manila-nagpadala-ng-1-milyong-pisong-ayuda-sa-mga-diyosesis-na-tatamaan-ng-bagyong-ompong/
(Yana Villajos)