222 total views
Tiniyak ng Diocese of Cabanatuan, Nueva Ecija na bukas ang lahat ng Parokya sa Diyosesis upang magpatuloy ng mga residenteng kailangan ng masisilungan dahil sa epekto ng Bagyong Ompong sa lalawigan.
Tinukoy ni Cabanatuan Bishop Sufronio Bancud ang Cathedral ng Cabanatuan na madaling binabaha ang lugar at ang mga kalapit na kumunidad.
“Definitely open ang lahat ng Parokya para sa ating mga mamamayan na makikisilong so prepared sa may Cathedral kasi doon madaling bahain, sa ibang Parokya din ganoon, yung detalye hindi ko pa alam sa kasalukuyan but definitely nais kong i-assure sa ating mga pamayanan na bukas ang ating mga Simbahan para makatulong sa inyo…” pahayag ni Bishop Sufronio Bancud sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Bishop Bancud na batay sa inisyal na ulat ng Social Action Center ng Diyosesis ay lubos na naapektuhan ng bagyong Ombong ang mga pananim sa lugar na inaasahang aanihin sa susunod na linggo.
“Ang nakuha kong balita galing sa aking Social Action Director, ang mga naapektuhan ay yung mga tanim, marami sa ating mga magsasaka ang umaasa na mag-aani sa mga susunod na linggo pero lahat yata naapektuhan…” pagbabahagini Bishop Bancud.
Tiniyak rin ng Obispo na nakahanda ang Social Action Center ng diyosesis upang makapagpaabot ng agarang tulong sa mga maapektuhang residente ng sama ng panahon.
Batay sa tala may higit 1.2-milyong ang bilang ng populasyon sa Diocese of Cabanatuan, Nueva Ecija na binubuo ng 5 bikaryato na mayroong 29 na mga Parokya.
Pinangunahan rin ni Bishop Bancud ang pananalangin upang patuloy na bigyan ng lakas ng Panginoon ang bawat mamamayan na malagpasan ang pananalasa ng Bagyong Ompong sa bansa.
–
Ating itaas sa ating Panginoon ang ating panalangin at ang ating samo
Diyos Amang Mapagmahal,
Sa umagang ito kasama ang aking mga kapatid dito sa iba’t ibang diyosesis sa Pilipinas lalo na dito sa Luzon, ako’y nananawagan sayo na ipadala sa amin ang biyaya ng Espiritu Santo upang manatili kaming matatag sa pananampalataya na malampasan namin ang ganitong unos ng buhay, nang sa gayon ang palaging mangingibabaw an gang iyong presensya na nagbibigay lakas sa amin, inspirasyon upang makaya naming makipag-kapwa tao, makipag-damay at magmalasakit.
Hari nawa sa aming munting pamamaraan, kami ay maging daluyan ng iyong pagpapala, magkaisa kami upang manatiling malakas na harapin ang ganitong pagsubok.
Para sa mga pamilya na ngayon ay marahil ay nasalanta na o nawalan ng buhay na nakalulungkot na mga balita ay ating itaas pa rin sa Diyos ang ating panalangin upang sa ganitong mga pagkakataon ay manatili tayong puno ng pagtitiwala na sa pagpapala ng Panginoon ating makayanan na malagpasan ang ganitong unos ng buhay.
Ang lahat ng mga ito ay itinataas natin sa Panginoon sa pamamagitan ni Kristo kasama ang Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.
Maraming salamat sa inyong lahat mga kapatid, manatili tayong magtiwala sa Diyos pero magtiwala din tayo sa ating mga lakas, magtiwala tayo sa bawat isa sa atin sa biyaya ng Diyos upang makayanan natin na malagpasan ang ganitong pagsubok.
Amen.