500 total views
Mga Kapanalig, dumaan na ang Bagyong Ompong, ang pinakamalakas na tumama sa ating bansa sa taóng ito, at ito na sana ang huli. Unti-unti na nga nating nakikita ang pinsalang iniwan nito sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na ulan at hangin, mataas na daluyong, at pagguho ng lupa.
Sa mga ganitong pagkakataon, unang pinupuna ang mga pagkukulang ng pamahalaan—mula sa mga ahensyang may tungkuling maghatid ng paunang tulong sa mga nasalanta hanggang sa mga lokal na pamahalaang may pangunahing papel sa pagtiyak ng kaligtasan ng kanilang nasasakupan. Nakatutok ang media sa pagbibilang ng mga nasaktan at namatay. Nakasentro ang mga balita sa mga kakulangan sa mga evacuation centers. “Automatic” na ang ganitong kuwento nating mga Pilipino sa panahon ng kalamidad.
Ngunit may kuwentong nakakaligtaan sa kabila ng halos taun-taon nang pagtama ng kalamidad sa ating bansa—ito ay ang kuwento ng kawalang-katarungan o injustice. Maaari ninyong tanungin: ano naman ang kinalaman ng mga kalamidad sa kawalan ng katarungan?
Nitong nakalipas na dalawang dekada, kasabay ng paglawak ng kaalaman natin tungkol sa global warming na sanhi ng climate change, nakita ang pagbabago ng klima hindi lamang bilang natural na pangyayari kundi bilang isang isyung etikal at politikal. Dito umusbong ang katagang “climate justice” na nakatungtong sa katotohanang ang mga bansa at mamamayang napakaliit ng ambag sa global warming, gaya ng Pilipinas, ang silang nakararanas ng pinakamatinding bunga ng climate change gaya ng malalakas na bagyo at matinding pag-ulan. Umunlad ang maraming bansa sa Amerika at Europa kasabay ng pagsira nila sa kalikasan, samantalang ang mga papaangat pa lamang na mga bansa gaya natin, hindi makaahon-ahon dahil sunud-sunod ang mga kalamidad na pinalalalâ ng climate change, na pinatindi naman ng mga industriya at ekonomiya sa mga bansang mauunlad.
Makikita rin ang kawalan ng katarungan maging sa loob ng mga bansang ito, gaya sa atin sa Pilipinas kung saan ang pinakatinatamaan ng mga kalamidad ay ang mga magsasaka, mangingisda, at maralitang tagalungsod. Matindi ang epekto ng mga malalakas na bagyo sa kanilang bahay, kabuhayan, at maging sa kanilang buhay. Sila ang pinakanahihirapang makabangong muli matapos ang isang kalamidad. Madalas pa nga, sila pa ang sinisisi dahil pinagpipilitan daw nilang manatili sa mga delikadong lugar. Hindi nakikita ng marami sa atin na kung bibigyan sila ng pagkakataong tumira sa mga ligtas na lugar at hindi ibebenta ang mga lupang ito sa mga negosyante, walang mga pamilya sa mga estero o tabing-ilog. Hindi rin natin nakikitang ang pang-aagaw ng lupa sa mga magsasaka at ng karagatan sa mga mangingisda ang nagtutulak sa kanila sa kahirapan, kahirapang inaalisan sila ng kakayahang tugunan ang kanilang pangangailangan sa panahon ng kalamidad.
Nangunguna si Pope Francis sa mga nagsusulong ng pagtanaw at pag-unawa sa climate change bilang isang isyung nakakabit sa katarungang panlipunan, isang isyung malaki ang kinalaman sa pagtataguyod ng karapatang pantao at dignidad ng lahat ng nilikha ng Diyos. Sa napakahalagang encyclical ni Pope Francis na Laudato Si’, tinawag niya ang pansin ng mayayamang bansa na pagbayaran ang kanilang matinding pagkakautang—“grave social debt,” ‘ika nga niya—sa mahihirap. Ginawa rin niyang obligasyon nating mga Katoliko ang pagmalasakitan hindi lamang ang kalikasan kundi ang kapwa nating biktima ng mga kalamidad, mga kalamidad na bunsod ng pag-init ng daigdig, na bunga naman ng kaunlarang pumipinsala sa kalikasan at ipinagkakait nating pakinabangan ng mahihirap.
Mga Kapanalig, sa unti-unti nating pagbangon mula sa iniwang pinsala ng Bagyong Ompong, huwag sana tayong matapos sa pag-aabot ng tulong sa mga nasalanta. Mahalagang magbigay ang mga may kakayanang magbigay, ngunit hindi tayo makababangon kung hindi natin uunawain ang kuwento ng kawalang katarungang pinatitingkad ng mga kalamidad na katunayan ng malaki nating pagkakautang sa mga dukha.
Sumainyo ang katotohanan.