262 total views
Malinis na maiinom na tubig ang higit na kinakailangan ng mga nasalanta ng bagyong Ompong sa Tuba at Itogon.
Ito ang panawagan ni Fr. Manny Flores, Social Action Director ng Diocese ng Baguio, lalu’t nasira ang kanilang mga water pipes dahil sa bagyo.
Ayon sa Pari, patuloy ang kanilang isinasagawang Relief Operation sa mga apektadong lugar sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Baguio, National Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang mga naghahatid ng tulong.
Karagdagan namang 600 na food packs mula sa Caritas Manila ang dumating na rin sa diyosesis para ipamahagi sa Tuba at Itogon.
“Natanggap na rin po namin ‘yung mga family food packs from Caritas Manila. And we are preparing now to transport them to Tuba and Itogon,” ayon kay Fr. Flores.
Ayon pa kay Fr. Flores, nakipagpulong na rin sila sa Catholic Relief Services (CRS) para sa iba pang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo.
“We are trying to look ahead regarding sa settlement area kasi may mga ibang kapatid natin na totally destroyed ang kanilang bahay. Lalu na ang mga evacuation center they don’t stay forever,” dagdag pa ni Fr. Flores.
Unang naglaan ng tig-200 libong piso ang Caritas Manila bilang paunang tulong sa limang diyosesis sa bansa na higit na apektado ng bagyo.
Read: Caritas Manila, nagpadala ng 1-milyong pisong ayuda sa mga Diyosesis na tatamaan ng bagyong Ompong
Hindi Katolikong Simbahan
Nilinaw din ng Diyosesis na hindi katolikong simbahan ang gumuho na siyang dahilan ng pagkamatay ng ilang katao sa Itogon, Benguet.
“Kindly correct the data that is going around in Social Media, Mass Media at mga haka-haka ng mga tao. Di ko alam kung paano ito ininterpret ng data ng ating Presidente,” ayon kay Fr. Flores.
Ayon sa pari, may tatlong kapilya sa Itogon na matatagpuan sa Poblacion, Tuding at Virac subalit hindi ito ang tinutukoy na gumuho dahil sa landslide.
“The Church they referring to is not a Catholic Church, not a Catholic Chapel. ‘Yung Pari wala hong Pari na nag-instruct…kasi yung pari natin doon ay actually hospitalized even before Ompong. So wala ho siya doon. Yung interpretation ng data is fake news po iyon. There is a nag-collapse tama po iyon pero it’s not a Catholic Church,” ayon kay Fr. Flores.
Itinanggi din ni Fr. Flores na walang paring katoliko na nag-utos sa mga residente para lumikas sa binabanggit na simbahan dahil nasa ospital ang paring nakatalaga sa lugar bago pa man manalasa ang bagyong Ompong.
Una na ring minura ng Pangulong Duterte at isinisi sa isang pari ang pagguho ng kapilya na siyang dahilan ng pagkamatay ng ilang mga residente.
Umaasa pa rin ang pari na may mga buhay pa rin na matatagpuan sa mga gumuhong lupa lalu’t marami pa rin ang hindi natatagpuan.
“Sana meron pa hong survivors. That is one thing we are praying for that hopefully despite all those rubble that you got to see mayroon pa ring survivor,” ayon pa sa pari.
Base sa mga ulat, hindi bababa sa 50 ang bilang ng mga nasawi dulot ng mass landslides sa Baguio City at Itogon.