328 total views
Palalawakin pa ng Caritas Manila ang pagtulong sa mga mahihirap na estudyante sa bansa.
Ito ang layunin ng Segunda Mana, ang donation in kind program ng Caritas Manila, social action arm ng Arcdiocese ng Maynila.
Dahil dito muling ilulunsad ng Segunda Mana ang Celebrity Bazaar upang makalikom ng pondo na tutulong sa Youth Servant Leadership Program – scholarship program ng Caritas Manila na nagpapaaral sa mahigit limang libong mag-aaral sa Pilipinas.
Katuwang ng Caritas Manila Segunda Mana ang kilalang personalidad sa larangan ng pelikula na si Ms. Heart Evangelista – Escudero na kabilang sa sumusuporta sa mga programa ng Simbahang Katolika.
Nakatakda ang ikalawang Celebrity Bazaar sa ika – 17 ng Oktubre na gaganapin sa SM Megamall Activity Center sa Mandaluyong City na magbubukas sa ika – 11 ng umaga.
“This year’s edition will be bigger in terms of the branded luxury selections. Full proceeds will still go to the 5,000 YSLEP scholars of Caritas Manila.” pahayag ng Caritas Manila-Segunda Mana.
Disyembre 2016 ang kauna-unahang matagumpay na Celebrity Bazaar na ginanap sa Glorietta 5, Ayala Center sa Makati City kung saan nakalikom ng mahigit sa 3 milyong pisong pondo mula sa mga donasyong gamit ng iba’t ibang kilalang personalidad.
Ibinahagi noon ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas na mahigit sampung libo ng mga kabataan ang natulungan ng YSLEP sa buong bansa na makapagtapos sa pag-aaral.
Patunay ito na patuloy ang pagkilos ng Simbahang Katolika na maabot ang mahihirap na sektor sa bansa at matulungan sa simpleng pamamaraan.