669 total views
“Peace na tayo!”
Mga Kapanalig, ito ang slogan ng National Peace Consciousness Month sa taóng ito. Sa pamamagitan ng Proclamation No. 675 na nilagdaan ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004, naitalaga ang buong buwan ng Setyembre bilang National Peace Consciousness Month. Layunin ng paggunitang ito na itaas ang kamalayan ng mga Pilipino sa kahalagahan ng kapayapaan at hikayatin tayong kumilos upang makamit ito.
Maliban sa proklamasyong ito, nariyan din ang Executive Order No. 3 noong 2001 na inililista ang “Six Paths to Peace” o anim na landas tungo sa kapayapaan. Kabilang dito ang pagbibigay-kapangyarihan sa taumbayan sa pamamagitan ng mga konsultasyon at pagbibigay-halaga sa kanilang pakikilahok sa pagsusulong ng kapayapaan. Binibigyang-diin din sa kautusang ito ang pagkakaroon ng pamahalaan ng mga programang hihikayat sa mga rebeldeng sumuko na at makiisa sa gobyerno. Isang landas din ang pagpapatupad ng mga repormang tutugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian o armed conflict.
Nakita natin ang pagpupursige ng pamahalaang manguna para sa mas mapayapang bansa noong isasabatas noong Hulyo ng Bangsamoro Organic Law. Bunga ito ng ilang dekadang pakikipagkasundo sa Moro Islamic Liberation Front o MILF. Marami ang umaasang sa pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, isa-isang mapuputol ang mga ugat ng kaguluhan sa Mindanao.
Ngunit hindi lamang sa Mindanao kailangan pandayin ang kapayapaan. Gaya ng sinasabi ng tema ng National Peace Consciousness Month sa taóng ito na “Mithiing Kapayapaan: Sama-samang Isakatuparan,” kailangan ang pakikiisa ng lahat upang magkaroon ng kapayapaan. Binibigyang-diin sa temang ito ang pinag-isang kilos ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan, mga paaralan at unibersidad, at ng iba’t ibang grupo, para sa makatuwiran, malawak, at pangmatagalang kapayapaang hindi pumapabor sa iisang ideyolohiya, relihiyon, o kultura.
Paalala sa atin ng panlipunang turo ng Simbahan: “Peace is built up day after day…and can flourish only when all recognize that everyone is responsible for promoting it.” Ang kapayapaan ay itinatatag araw-araw, at yayabong lamang ito kung gagampanan ng bawat isa ang tungkuling itaguyod ito. Upang maiwasang humantong sa karahasan ang hindi pagkakaunawaan, kinakailangang nakatanim sa puso ng bawat tao ang kahalagahan ng kapayapaan. Nag-uumpisa ito sa mapayapang pagtugon sa mga problema natin sa loob ng tahanan, sa mga organisasyong ating kinabibilangan, at sa ating pamayanan. At kung naisasabuhay natin ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagsusumikap na maging makatarungan sa ating kapwa at ng pagkilala sa kanilang angking dignidad, unti-unting mamayani ang kultura ng kapayapaan sa ating lipunan.
Ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng giyera o pagpapanatili ng balanse sa pagitan ng mga nagtutunggaliang grupo. Ang kapayapaan ay matatagpuan sa wastong pagtingin sa tao bilang nilkha ng Diyos, at sa tamang pagtingin na ito, natatanggap natin ang naayon para sa atin at naitataguyod natin ang ating dignidad. Samakatuwid, ang kapaypaan ay bunga ng katarungan.
Kaya naman, mahalagang sinusuportahan natin ang mga hakbangin ng pamahalaan na naglalayong pag-ibayuhin ang katarungan at kapayapaan sa bansa, gaya ng mga repormang tumutugon sa ugat ng kahirapang nagtutulak sa ilang kumapit sa patalim at humawak ng armas. Kabilang sa mga repormang ito ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng rebeldeng grupo na magbalik-loob sa pamahalaan, ang wastong pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law para sa kapakinabangan ng mga kababayan nating Bangsamoro, at sa pagtiyak na may sapat na trabaho at pagkakataong mamuhay nang may dignidad ang mga dukha.
Mga Kapanalig, sama-sama nating itatag ang minimithi nating kapayapaan. Sa araw-araw na pakikisalamuha natin sa iba, lagi nating tiyaking patas tayo sa kanila at hangad natin ang kapakanan nila. Tunay at pangmatagalan ang kapayapaan kung umuusbong ito sa katarungan. Kapit-bisig tayo sa pagpapanday ng mga ito. Peace na tayo, Kapanalig!