172 total views
Lumagda ang Archdiocese of Cebu sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng WeGen Laudato Si na nagtatakda ng pagtutulungan ng dalawang Institusyon sa pagtatayo ng mga Solar Panels sa iba’t-ibang Simbahan at Katolikong Institusyon sa Cebu.
Ayon kay Jun Cruz, Managing Director ng WeGen Laudato Si, nagpahayag ng kagalakan si Cebu Archbishop Jose Palma para sa isang kongkretong hakbang bilang tugon sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na ‘Ecological Conversion’.
Naniniwala si Cruz na sa tulong na rin ng Archdiocese of Cebu ay marami pang mga institusyon sa Cebu ang mahihikayat na lumipat mula sa paggamit ng enerhiyang nililikha ng mga fossil fuels, patungo sa enerhiyang nagmumula sa ‘Renewable sources’ tulad na lamang ng solar power na mula sa araw.
“The Archdiocese of Cebu, will definitely encourage more entities and institutions in Cebu to follow suit and serve as a model for Climate Change Mitigation and Regional Transition towards the use of Planet Friendly, and affordable energy.” Pahayag ni Cruz sa Radyo Veritas.
Ang Archdiocese of Cebu ay binubuo ng mahigit 3.7 milyong mananampalatayang Katoliko at may 154 na mga Parokya.
Noong ika-15 ng Agosto, 2018 pinasinayaan sa Diocese of Maasin Southern Leyte ang transition nito sa paggamit ng renewable energy. Ito rin ang kinilalang kauna-unahang Diyosesis na ang lahat ng mga Parokya ay gumagamit ng Solar power.