201 total views
Umapela nang pakikiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines–Episcopal Commission on the Laity sa nakatakdang United People’s Action na isasagawa sa Luneta.
Ito ay bilang paggunita sa deklarasyon ng Martial Law 46 na taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng Kumisyon ang paraan ng paggunita sa deklarasyon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay naglalayong maipakita sa kasalukuyang Administrasyong Duterte ang paninindigan ng bawat isa na hindi na dapat na maulit pa ang madilim na kabanata sa bansa.
Giit ng Obispo, dapat na manindigan ang bawat mamamayan laban sa banta ng muling pag-iral ng diktadurya sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagiging mapagbantay sa mga nagaganap sa lipunan.
Paliwanag pa ni Bishop Pabillo, mahalagang maipakita ng mamamayan ang paninindigan ng bayan na hindi na muling hahayaan ng mamamayan na maulit pa ang paniniil sa kasarinlan ng bansa.
“May United People’s March po tayo sa Luneta yan po ay paggunita sa Martial Law, bukas ang anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law na sana hindi na maulit yung Martial Law, yung Dictatorship, kaya nga dapat maging mapagbantay ang lahat at sana makiisa tayo, ipakita natin ang ating pwersa na ayaw na natin ng Dictatorial rule, kasi sa ating panahon may banta na naman na magkaroon ng Dictator at yan ay manggayayari kung magpapabaya tayo, so kung ang lahat ay nakikiisa maipakita natin sa ating numbers na ayaw natin ng ganun ay mag-iisip-isip yung mga may balak na gumawa ng ganyang bagay,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang pagkilos ay isang panawagan sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang muling magkaisa para sa iisang hangarin at paninindigan na isulong ang isang malaya at maunlad na Pilipinas.
Dahil dito tinatawagan ang lahat ng mga kabataan, mga beterano ng nakaraang diktadurya, mga sektor na apektado ng mga hindi makatao, hindi makabayang programa at pamamalakad ng rehimeng Duterte, mga mulat na mamamayan na makiisa sa pananalangin at pagmamartsa para ipagtanggol ang kinabukasan ng bansa.
Ganap na alas-dos y medya ng hapon ay magkakaroon ng Mass for Dignity and Peace na isasagawa sa San Agustin Church sa Intramuros Manila sa pangunguna ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) at Promotion of Church Peoples Response (PCPR) na susundan ng sama-samang pagmamartsa patungong Luneta.
Magsisimula ang programa ganap na alas-4 ng hapon na ang pangunahing panawagan ay LABANAN ANG DIKTADURA! NEVER AGAIN! NEVER FORGET!.