205 total views
Patuloy ang pamamahagi ng tulong ng Caritas Manila sa mga biktima ng bagyong Ompong lalo na sa Hilagang Luzon.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas, bukod sa isinagawang relief operation ng Caritas Damayan, aabot naman sa halagang anim na milyong piso ang inilaan para sa rehabilitasyon kabilang na ang pagkukumpuni ng mga nasirang bahay at livelihood support sa mga nasalanta.
“Marami tayong napadalhan ng relief sa mga biktima ng bagyong Ompong. Ngayon ay nagsimula tayo sa rehabilitation na binubuo ng housing repair at mga livelihood support.” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Pari na ang pondong gagamitin sa rehabilitasyon ay mula sa Alay Kapwa na ginagawa tuwing panahon ng Kuwaresma kung saan ang nalilikom na donasyon ay ilalaan para sa mga mabibiktima ng sakuna na dulot ng tao at kalikasan.
Dahil dito hinimok ni Father Pascual ang mananampalataya na magkaisa sa pagtulong bilang bahagi ng Kristiyanong pamayanan.
Sa kabuuan umaabot na sa siyam na milyong piso ang tulong na naipaabot ng Simbahan sa mga naapektuhan ng bagyong Ompong.
Kabilang sa napadalhan ng tulong ang mga diyosesis ng Tuguegarao, Ilagan, Tabuk, Ilocos, Laoag, Baguio at Tarlac.
Una nang nagpadala ng tulong ang Caritas Manila sa mga nabanggit na diyosesis bago manalasa ang bagyo bilang pakikiisa sa mga residenteng maapektuhan.
Bukod dito, pangungunahan din ng Caritas Manila ang pagtatayo ng mga 3-in-1 chapels sa mga lugar Luzon na typhone at landslide prone areas.
Read: Caritas Manila Magpapatayo ng 3-in-1 Chapel sa mga lugar na apektado ng bagyong ompong