261 total views
Hindi na dapat muling maulit pa ang Martial Law sa Pilipinas.
Ito ang binigyang diin ni Dra. Marita Wasan, Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas kaugnay sa paggunita sa deklarasyon ng Martial Law 46-na taon ang nakakalipas.
Ayon kay Wasan, ang bawat Filipino ay dapat na magkaroon ng ganap na kalayaan hindi lamang sa pagsasalita o pagpapahayag ng sariling saloobin kundi sa pang-aabuso ng karapatang pantao.
“Kailangan natin ng boses para matuntun natin, mapuntahan natin yung lugar na tama at ang bawat Filipino ay malaya at may karapatang magsalita at hindi nangangamba na baka mamamaya bigla ka nalang hilahin at bigla ka nalang mawala parang bula sana hindi na muling magbalik ang Martial Law dito sa Pilipinas…”pahayag ni Wasan sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaasa rin si Wasan na sa pamamagitan ng iba’t ibang serye ng pagkilos at panawagan ng batayang sektor ng lipunan ay makita at marinig ng pamahalaan ang pagtangis ng taumbayan sa katahimikan, kalayaan at kaunlaran.
“Sana ay mapakinggan ng ating pamahalaan, ayaw natin ng Martial Law, ayaw natin sa diktador gusto natin ay tahimik na pamumuhay, gusto natin ay maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat maralita dito sa ating bansa…” dagdag pa ni Wasan.
Bukod dito, ipinapanalangin ng Sangguniang Layko ng Pilipinas na nawa ay magising ang kamalayan ng mga kabataan at magkaroon ng pananaw na hindi na dapat na muling maulit pa ang Batas Militar na tanging karahasan lamang ang maidudulot sa bansa at sa mga mamamayan.
“Nananalangin kami na sana ang Martial Law ay hindi na muling bumalik dito sa ating bansa at hindi maipatupad yun at sana maging ang mga kabataan natin ay magkaroon ng pananaw na hindi dapat muli Never Again to Martial Law. Sana samahan kami sa pagdarasal, panalangin na sana ay magising ang ating pamahalaan na hinid violence ang sagot sa mga problema ng ating bayan.” pagbabahagi si Wasan.
September 23, 1972 ng malaman ng mamamayang Pilipino na nagsimula na ang Martial Law o ang Batas Militar sa ilalim ng Administrasyon Marcos ngunit September 21, 1972 ang opisyal na petsang nakasulat sa Proclamation 1081.
Batay sa tala sa ilalim ng Martial Law, umaabot sa 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng Administrasyong Marcos.
Tinatayang umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at Rehimeng Marcos.
Nagwakas ang Martial Law at ang Rehimeng Marcos sa pamamagitan ng mapayapang People Power Revolution noong taong 1986 na naging inspirasyon ng iba’t ibang bansa upang isulong ang kani-kanilang kasarinlan sa pamamagitan ng pagkakaisa sa halip na dahas.