278 total views
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radio Veritas at executive director ng Caritas Manila kaugnay sa paggunita ng deklarasyon ng Batas Militar sa bansa higit apat na dekada ang nakalipas.
“Ang Martial Law ay iligal, imoral at ito po ay hindi kalooban ng Diyos.” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Iginiit ng pari na hindi dapat ipagdiwang ang deklarasyon ng Martial Law dahil ito ay isang uri ng kalamidad na likha ng tao.
Ipinaliwanag ni Father Pascual na ang nakalipas na batas militar ni dating pangulong Ferdinand Marcos ay isang madilim na kasaysayan sa mga Filipino dahil sa pag-iral ng iba’t ibang uri ng karahasan sa lipunan.
“Isang madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas [Martial Law] na hindi na dapat maulit.” dagdag ni Fr. Pascual.
Dagdag ng pari magpahanggang ngayon ay nararanasan ng Pilipinas ang epekto ng Martial Law tulad ng patuloy na pag-iral ng korapsyon sa pamahalaan, pagpapatupad ng mga polisiya kahit na hindi nakasusunod sa Rule of Law at hindi paggalang sa Democratic structures ng gobyerno.
Binigyang diin ni Father Pascual na bilang Kristiyanong pamayanan ay hindi dapat pairalin ang batas militar sapagkat naniniwala ang mananampalataya sa Absolute Respect for Every Human Being” o ang paggalang sa lehetimong pamahalaan na gumagalang at nagpapahalaga sa demokrasya at dignidad ng bawat mamamayan.
Ika – 21 ng Setyembre 1972 ng lagdaan ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang Proclamation No. 1081 na nagdeklara ng Martial Law sa buong bansa.
Sa tala ng Amnesty International ay 70,000 katao ang iligal na inaresto, 34, 000 ang pinahirapan at higit sa 3, 000 ang napaslang ng mga otoridad.
Nauna nang iginiit ng mga lider ng Simbahang Katolika sa bansa na hindi dapat muling mangyari ang Martial Law lalo na ang mga karahasan na lubos nakakaapekto sa mamamayan partikular sa maliliit na sektor ng lipunan.