136 total views
Magtatanghal ang Julie Borromeo Performing Arts Foundation upang makalikom ng pondo na itutulong sa mga biktima ng bagyo at sa mga kabataang nais mag-aral.
Pangunahing benepisyaryo ng “Guadalupe: The Musical” ang Caritas Manila ang social action arm ng Archdiocese ng Manila na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Tampok sa Guadalupe Musical ang kuwento ng pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria sa Mexico noong 1531 sa isang magsasaka.
Pangungunahan ang pagtatanghal ni Cocoy Laurel na kilala sa larangan ng teatro kasama sina Baby Barredo at Julie Borromeo sa panulat ni Joel Trinidad at musika naman ni Ejay Yatco na gaganapin sa ika – 29 ng Setyembre alas otso ng gabi sa Meralco Theater, Pasig City.
Ang kikitain ng pagtatanghal ay pandagdag sa pondong ilalaan para sa rehabilitasyon sa mga lugar na higit apektado sa pananalasa ng bagyong Ompong kung saan nauna nang nagpaabot ng halos siyam na milyong piso ang Caritas Manila.
Bukod dito maglalaan din ng pondo para sa 5,000 iskolar ng Youth Servant Leadership Program ng Caritas Manila sa buong bansa.
Dahil dito hinimok ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas ang mamamayan na makiisa at makibahagi sa pagtatanghal upang makatulong sa nangangailangan.
“Through your generosity, we will be able to help and support our social services to the poor, especially those who suffer during natural and human-caused calamities. During this time, we are called upon to exercise charity in our dealings with our neighbor,” ang pahayag ni Fr. Pascual.
Sa mga nais manood, ang ticket ay nagkakahalagang 3, 000, 2, 000, 1, 500 at 1, 000 piso o makipag-ugnayan lamang sa 09175955083, 09207698958 o sa 254 5519 para sa ticket reservation.