151 total views
Welcome development sa environmental group ng Cebu ang pagpapahinto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lahat ng ‘quarry operations’ sa lalawigan at pito pang rehiyon.
Ayon kay Bro. Tagoy Jakosalem, Chairman ng Pusyon Kinaiyahan, nakakalungkot lamang na isinagawa ang hakbang matapos ang pagkamatay ng marami dulot ng pagguho ng lupa sa Naga City, Cebu.
Iginiit ni Jakosalem na noong nakalipas na taon humingi na ng tulong ang lokal na pamayanan na ipahinto ang quarrying na ipinagkibit balikat lamang.
“Ang local communities may panawagan na na sana mahinto na ang quarry operations at lately lang po ang Pusyon Kinaiyahan with the communities that we inorganize dito sa Naga City kasi lumapit sila sa atin at humingi ng tulong. Mali naman talaga ang quarry operations in areas near community even in titled land. Yung mga tao nagrereklamo na,” ayon kay Jakosalem sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon pa kay Jakosalem, Agosto ng nagsagawa sila ng pagkilos para bigyang babala ang Mines and Geosciences Bureau at noong pagbubukas ng Season of Creation sa mismong quarry site subalit binalewala ito maging ng pamahalaang panlalawigan.
Bago pa man ang insidente patuloy pa rin ang kampanya ng komunidad laban sa quarry kasama na rin ang mga estudyante.
“For the past 2 weeks po massive ang protest campaign even mga students involve pero ang local government at provincial government hindi natin alam ang pananaw nila,” ayon pa kay Jakosalem.
Bukod sa Cebu sinabi ni Environment secretary Roy Cimatu na suspendido ang lahat ng quarry operations sa Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Central Visayas, Northern Mindanao, Davao at Caraga regions hanggang hindi natatapos ang isinasagawang ‘safety assessment’.
Sa pinakahuling ulat, sinabi ni Jakosalem na umaabot na sa 46 na bangkay ang nakuha mula sa quarry site, habang 47 pa rin ang nawawala sa landslide na naganap sa Naga City, Cebu.
Dagdag pa ni Jakosalem na ang buong lungsod ng Naga, Cebu ay mayroong tatlong libong ektaryang quarry sites na inaprubahan kasama ang national government at ang Apo Cement ng hanggang 2043 para mag-operate.
Sa isang mensahe ng kaniyang Kabanalan Francisco sa ensiklikal na Laudato Si, binigyan diin nito na hindi dapat ipagpalit sa kaunlaran ang pagkasira ng kalikasan at kaligtasan ng mamamayan.