166 total views
Hindi dapat na baliwalain ang ‘Guilty Verdict’ na ipinataw ng International People’s Tribunal (IPT) hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao ng Duterte Administration.
Ayon kay Former Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, bagamat walang legal bind ang hatol ng IPT ay isa itong malinaw na pagkundina ng international community sa nagaganap na paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas.
Bukod dito, inihayag rin ng dating Punong Mahistrado ang mga nakahanay sa isinasagawang proseso ng International Criminal Court (ICC) at United Nations Human Rights Council sa mga isinampang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
“Ito’y bale international condemnation ito, although hindi ito legally binding condemnation pa din ng malawakang sektor ng international community, meron pa naman tayong ICC process na hinihintay pa rin, may mga actions naman yung mga human rights commission sa UN at iba pang international organizations dapat nating pakinggan kung anong mga sinasabi na ang layo-layo na daw natin sa dating pangako natin na irerespeto ang karapatang pantao…” pahayag ni Sereno sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, nauna ng minaliit ng Malacañang ang naturang hatol ng IPT laban sa Administrasyon Duterte na isinagawa sa Brussels, Belgium.
Gayunpaman, inaasahang isusumite ng International People’s Tribunal (IPT) ang naging findings at hatol nito sa United Nations Human Rights Council, European Parliament at International Criminal Court sa The Hague.
Magugunitang sa mismong tala ng Philippine National Police, umaabot na sa higit 20-libong indibidwal ang bilang ng mga napatay sa ilalim ng War on Drugs ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Mariin ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao at sa mismong buhay ng bawat nilalang na kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.