194 total views
Mga Kapanalig, sabi sa 1 Corinto 1:27, “…Pinili ng Panginoon ang mga mahihina ng sanlibutan upang ipahiya ang malalakas.”
Tila ba akma ang bersong ito upang ilarawan ang tapang ng mga kapatid nating may kapansanan nang magsampa sila ng kaso laban kay Presidential Communications Operations Office o PCOO Assistant Secretary Mocha Uson. Binastos daw ng opisyal at ng isa pang blogger ang mga kapatid nating bingi nang gawin nilang katatawanan ang paggamit ng sign language sa isang video tungkol sa federalismo. Sa video, nagpapanggap ang kasama ni ASec Uson na isang binging nagsa-sign language habang gumagawa ng mga tunog na ginagaya ang pakikipag-usap ng mga bingi. Malinaw na maririnig sa video ang sinabi ni ASec Uson na “mukhang unggoy” ang blogger, at nauwi sa halakhakan ang anila’y educational video.
Ayon kay Carolyn Dagani, pangulo ng Philippine Federation of the Deaf o PDF, inapakan ng ni ASec Uson at ng kanyang kaibigan ang dignidad ng mga kapatid nating hindi nakaririnig. Kaya naman, hindi nagdalawang-isip ang PDF na ireklamo si ASec Uson sa Ombudsman dahil nilabag daw niya ang maraming batas katulad ng Magna Carta of Persons with Disabilities at ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Kasama ng PDF ang Philippine Coalition on the UN Convention on the Rights of Persons with Disabilities na nagsampa ng reklamo, at nanawagan silang tanggalin sa puwesto ang opisyal kung mapatutunayang lumabag siya sa batas.
Bagama’t nagbigay na ng public apology sina Asec Uson at ang kanyang kaibigan, iginiit ng PDF na madaling humingi ng tawad at magbago ng isip ngunt walang mababago kung hahayaan silang ipagpatuloy ang kanilang ginagawang pambabastos sa mga taong may kapansanan. Aantabayanan natin, mga Kapanalig, ang magiging resulta ng reklamong ito laban sa kontrobersyal na assistant secretary, na nahaharap din sa iba pang kaso dahil sa pagkakalat niya ng fake news at paninira sa isang opposition senator.
Mga Kapanalig, ang paggalang sa ating kapwa ay pagtugon natin sa kanilang mga karapatang nagmumula sa kanilang dignidad bilang nilikha ng Diyos. Ipinaaalala sa atin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng pagtingin sa ating kapwa bilang isa pa nating sarili o “another self.” Sa pamamagitan nito, nagagawa nating isaalang-alang ang buhay ng ating kapwa at pagsumikapang tiyaking makapamumuhay sila nang may dignidad. Tungkulin ng bawat Kristiyanong ituring ang kanyang kapwa na para bang kanyang sarili rin, at ang aktibo silang ibigin at paglingkuran, lalo na kung nasa mga kalagayan sila ng kawalan ng katarungan. Lagi nating isaisip ang sinabi ni Kristo sa Mateo 25:40: “Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.”
Itinuturo din sa atin ng panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng pagkilala at paggalang sa dignidad ng bawat isa—may kapansanan man o wala—sa pagtatatag ng isang lipunang makatarungan. Umiiral ang katarungang panlipunan o social justice kung natitiyak nating nakakamit ng “maliliit” at “mahihina” ang nararapat sa kanila batay sa kanilang kalagayan at bokasyon. Upang makamit ang mga ito, kinakailangan natin ng mga lider na marunong kumilala at gumalang sa dignidad ng lahat, anuman ang kalagayan nila. Kung hindi ito nauunawaan ng ating mga opisyal, dapat silang papanagutn ng mga institusyong nagpapatupad ng mga batas.
Mga Kapanalig, kahanga-hanga ang ginawa ng Philippine Federation of the Deaf. Sabi nga ng ilan, mabuti pa raw ang mga bingi, alam ang mali at kayang nilang ipaglaban ang tama, samantalang ang mga nakaririnig, nagbibingi-bingihan sa kabila ang ingay ng pulitika at pamamahalang walang bahid ng pagkiling sa mga maliliit at mahihina. Sa huli, nakikita natin na ang kalakasan ay wala sa kapangyarihang taglay ng isang tao kundi sa paninindigan niya para sa katotohanan at para sa dangal ng tao.