202 total views
Mga Kapanalig, unti-unti nang nauubos ang pag-asang may mahuhukay pang buháy sa gumuhong mga bundok sa Benguet matapos ang matinding pag-ulang dala ng Bagyong Ompong. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, hindi bababa sa 46 na bangkay na ang na-recover mula sa landslide sa Itogon, isang bayang kilala sa small-scale mining. Landslide din ang pumatay sa halos 30 tao sa Naga City sa probinsya ng Cebu nang gumuho ang isang quarry site matapos ang malakas na pag-ulan doon noong nakaraang linggo.
Sa araw namang ito, eksaktong siyam na taon na ang nakalipas, naganap ang sinasabing pinakamatinding pagbahang naganap sa Metro Manila at mga karatig na lugar. Ibinagsak ng Bagyong Ondoy sa loob lamang ng anim na oras ang ulang katumbas ng isang buwang pag-ulan. Aabot sa 464 katao ang naitalang namatay at halos isang milyong pamilya ang naapektuhan ng malawakang pagbaha at landslide.
Sa pagitan ng 2009 at 2018, marami nang dumaang malalakas na bagyo at matitinding pag-ulan sa ating bansa. At wala sa mga ito ang hindi nag-iwan ng matinding pinsala sa buhay at ari-arian. Maraming inilikas sa mga evacuation centers, mga nasaktan o namatay dahil sa flash flood o landslide, at mga pamilyang nawalan ng kabuhayan. Halos mabura ang mga bayan gaya noong tumama ang Bagyong Yolanda. Ngunit kagagawan nga ba ito ng mga bagyong dumaan?
May mga nagsasabing wala naman talagang matatawag na “natural disasters”, walang mga sakunang dala ng kalikasan. Ang mga bagyo o ulang dala ng habagat ay mga natural na pangyayaring may dalang panganib o hazard. Nagkakaroon lamang ng sakuna o kalamidad o disaster kapag ang hazard ay tumama sa mga lugar na tinitirahan ng mga tao at naapektuhan ang mga naninirahan.
May punto ito, mga Kapanalig. Halimbawa, kung ang isang supertyphoon ay nanatili sa karagatan at hindi tumama sa lupa, hindi natin iyon maituturing na “natural disaster” dahil wala namang naapektuhang buhay, walang disaster na naganap. Mukhang nasanay na tayong tawagin ang mga kalamidad bilang bunga ng mga “natural disaster” upang pagtakpan ang kakulangan nating mga tao—lalo na ng mga may tungkuling tiyakin ang kaligtasan ng lahat—sa paghahanda sa mga magiging epekto ng masamang panahon.
Gayunman, maraming kailangan isaalang-alang upang maunawaan kung bakit may mga taong naninirahan sa tabing-ilog at dalisdis o gilid ng mga bundok kahit alam nilang delikado roon. Ang mga pamilya sa Itogon, Benguet at Naga City, Cebu, halimbawa, ay nakatira sa mga landslide-prone na lugar dahil naroon ang kanilang kabuhayan. Ang mga binaha sa Marikina ay naroon din dahil malapit iyon sa lugar ng kanilang trabaho at mahahalagang serbisyo. Matitigas ba ang kanilang ulo? Hindi po—may mga praktikal na dahilan kung bakit may mga kababayan tayong pinipiling tumira sa mga mapanganib na lugar.
Ngunit kung ang mga minero ay napaglaanan ng ligtas na lugar upang pagtatayuan ng kanilang bahay, mayroon kayang mga matatabunan ng landslide kapag may bagyo? Kung ang mga manggagawa sa ating mga lungsod ay bibigyan ng pagkakataong tumira sa mga lugar na hindi lantad sa pagbaha, mayroon kayang mga pamilyang kailangang i-evacuate sa tuwing aapaw ang ilog? Sa madaling salita, marami ang maliligtas sa mga sakuna kung ibinabahagi sa lahat, lalo na sa mga mahihirap, ang mga lugar na akmang panirahanan. Nakalulungkot nga lamang na mas pinapaboran ng kasalukuyang sistema ng ekonomiya ang interes ng malalaking negosyong kumakamkam ng lupa upang pagkakitaan. Pinalalalâ pa ito ng isang uri ng pamamahalang hindi inuuna ang kapakanan ng mahihirap at ng kalikasan.
Mas nakalulungkot, mga Kapanalig, na marami sa atin ang hindi umiimik sa hindi makatarungang pakikinabang sa biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa huli, dahil sa pagpapabaya natin sa ating kapwa at sa kalikasan, masasabing may bahagi tayong lahat sa pagkamatay ng mga kababayan natin sa panahon ng kalamidad.
Sumainyo ang katotohanan.