186 total views
Ipinapanalangin ng Simbahang Katolika ang kaligtasan ng mga dinukot na Filipino sa Nigeria.
Ikinalungkot ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos ang nangyari sa pitong Filipinong Marino na dinukot ng mga pirata sa Nigeria noong ika – 22 ng Setyembre.
Umaasa si Bishop Santos, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na palayain ng mga dumukot ang mga Pinoy.
“Let us entrust everything to God, that He with our constant prayers and His mercy they will be safe; and God will touch their captors for change of hearts and they would be freed unharmed.” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batay sa pahayag ng Nigerian Maritime Administration and Safety Agency, nangyari ang pag-atake ng mga pirata sa Timog Kanluran ng Bonny Island habang nasa pagitan ng Lagos at Port Harcourt.
Bukod sa pitong Filipino ay mayroon ding taga Slovenia, Ukraine, Romania, Croatioa at Bosnia.
Dahil dito umapela si Bishop Santos sa mga Simbahan na mag-alay ng panalangin para sa mga dinukot na marino.
“We appeal to our Overseas Chaplains and Diocesan migrant ministries to offer Holy masses for the swift and safe release of our seamen.” ani ni Bishop Santos.
Tiwala naman ang Obispo na gumagawa ng hakbang ang Pamahalaan para sa ligtas na paglaya ng mga Filipinong dinukot at maayos na makababalik sa kani-kanilang pamilya.
Samantala nakipag-ugnayan na ang embahada ng Pilipinas sa Abuja at Berne sa mga otoridad at pamahalaan ng Nigeria at Switzerland para matukoy ang kinaroroonan ng mga dinukot na kawani ng MV Glarus.
Sa pagdiriwang ng Sea Sunday noong Hulyo, ipinapanalangin ni Pope Francis ang lahat ng manggagawa sa karagatan at mga marino sa kanilang pagsusumikap na malayo sa pamilya at hiniling sa Blessed Mother, Star of the Sea at sa Panginoon na protektahan at gabayan ang mga ito mula sa panganib sa karagatan.