147 total views
Pormal na binuksan ni Antipolo Auxiliary Bishop Noli Buco ang taunang pagtitipon ng mga pari sa larangang pampalakasan na tinatawag na “Parilympics,” noong ika-24 ng Oktubre sa Our Lady of Guadalupe Minor Seminary.
Naniniwala si Bishop Buco na sa pamamagitan nito ay lalong mapagtitibay ang pagbubuklod ng mga pari mula sa iba’t-ibang diyosesis at kongregasyon.
Sinabi ni Bishop Buco na naipakikita din sa pamamagitan ng Parilympics na hindi lamang ispiritwal na kalusugan ang kinakailangang punan ng mga pari kundi maging ang kanilang kalusugang pampisikal.
“Yung mapalalim yung aming samahan bilang mga kaparian na naglilingkod sa sambayanan bilang mga nagsusumikap din na maging banal sa isa’t-isa. [At] Matanto din nila na kami din ay tao, kailangan din namin yung aming wellness, ma-maintain yung kalusugan para sa ganun, makapaglingkod din kami sa sambayanan ng maayos.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Buco sa Radyo Veritas.
Inihayag naman ni Fr. Bong Bayaras ng Archdiocese of Manila na nap0akahalaga ng pagtitipon lalo na sa mga bagong pari tulad niya.
Sinabi ni Father Bayaras na magandang pagkakataon ito upang makilala at makahalubilo ng mga bagong pari ang mga nakatatanda maging ang mga nagmula sa ibang diyosesis at kongregasyon.
“This is to build camaraderie para magkakilakilala din. Ako na bagong pari, kapag may mga batang pari at least nakikilala ko din yung mga nauna sa’min, kumbaga yung mga ahead sa’min, mga senior sa’min na nakakalaro.” Pahayag ng pari sa Radyo Veritas.
Samantala, bukod sa mga diyosesis ay kabilang din ang isang kongregasyon sa mga lumahok sa Parilympics ngayong taon.
Naniniwala si Father Vincent Cadeliña, OAR, na makabubuti din ang pagtitipon na ito ng mga pari sa pamamagitan ng sports upang mas magkalapit pa ang bawat isa at mapalakas ang kanilang ugnayan bilang mga pari.
Sa kabuuan, anim na kupunan ang lumahok sa isinasagawang Parilympics ngayong taon.
Ang mga ito ay mula sa mga Diyosesis ng Imus, Antipolo, Malolos, Novaliches, Arkidiyosesis ng Maynila at Order of Agustinian Recollects.
Umaasa naman ang mga pari na sa susunod pang mga taon ng pagsasagawa ng Parilympics ay madadagdagan pa ang mga grupo na sumasali sa pagtitipon.