185 total views
Pinasalamatan ni Father Raphael Tolentino, Parish Priest ng Parokya ni Niña Maria sa Castañas Sariaya, Quezon ang lokal na pamahalaan sa paglalabas ng Resolution 101 na nagbabawal sa pagtatayo ng Coal Fired Power plant sa alinmang barangay sa Sariaya.
Ayon sa pari, isa itong malaking hakbang para sa matagal nang ipinaglalaban ng simbahan na malinis na kalikasan, ligtas at malusog na kapaligiran para sa mga residente.
Naniniwala ang pari na bagamat simula pa lamang ito sa kanilang pagtataguyod ng kabutihan ng nakararami ay maituturing na rin itong tagumpay para sa kalikasan.
“Salamat sa Panginoon, sa Sanguniang Bayan ng Sariaya at sa mga mamamayan ng laylayan ng Sariaya dahil sa pagpasa ng Resolusyon 101 ng Sanguniang Bayan ng Sariaya na nagpapatibay sa MAHIGPIT na Pagbabawal sa pagtatayo ng COAL-FIRED POWER PLANT sa alin mang Barangay na nasasakupan ng Bayan ng Sariaya.” Mensahe ni Father Tolentino sa Radyo Veritas.
Sa kabila nito, tiniyak ng pari na mananatiling mapagmatyag ang simbahan at mamamayan sa maayos na pagpapatupad ng resolusyon.
Umaasa din ito na magiging isang ganap na ordinansa ang Res. 101, upang maging mas matibay at mapaigting ang pangangalaga sa kalikasan ng Sariaya.
Natukoy naman na 600 megawatt coal-fired thermal power plant ang unang planong itayo ng San Miguel Corporation Global Power Holdings Inc. sa Sariaya Quezon.
Bahagi ito ng 2,000 MW power project na una nang inaprubahan ng Department of Energy.