248 total views
Pinangunahan ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines ang river clean up noong ika-lima ng Oktubre upang alalahanin ang pagtatapos ng Season of Creation tuwing ika-apat ng buwan na kasabay ng kapistahan ni St. Francis of Assisi.
Umaasa si Father Cielito Almazan, OFM na sa pagtatapos ng panahon ng paglikha ay lalo pang tumatak sa puso ng mga mananampalataya ang pagmamahal sa kalikasan.
Naniniwala ang pari na sa pagsira natin sa kalikasan ay sinisira din nito ang sangkatauhan.
Pinapayuhan ni Father Almazan ang mamamayan na ayusin ang waste disposal at sinupin ang mga basura at iwasan ang pagiging waldas sa paggamit ng mga resources o ang kayamanan ng kalikasan tulad ng tubig at enerhiya.
“Hindi na tayo magtatapon ng mga basura sa mga water waste sa mga river banks para laging malinis ang kapaligiran natin at yung ating lifestyle din sana ay hindi tayo masyadong wasteful, consumeristic, kun’di tayo’y laging nagtitipid para hindi masyadong ma-exhaust yung mga energies natin at resources.” Pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Father Almazan na ang paglilinis ng ilog sa closing ng Season of Creation ay isang simbolismo lamang at hamon sa bawat isa na lalo pang paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan.
Sinabi ng Pari na ang napiling lugar ng Barangay Talayan bilang isang mahirap na komunidad ay nagpapakita din na ang kapabayaan sa kapaligiran at sa mga ilog ay nagdudulot ng labis na pinsala sa mga dukha.
Sa kabila nito, labis ang pasasalamat ng Barangay Captain ng Talayan dahil sa patuloy na mga proyekto at programa ng AMRSP-JPICC sa kanilang lugar.
Ayon kay Jerry Ongtauco, matagal nang ipinatutupad sa kanilang barangay ang Zero Waste management program, gayunman napupunta sa kanila ang mga tinatangay na dumi mula sa mga ilog ng Fairview, Cubao, Valenzuela, Kalookan, at Balintawak Market.
“Kawawa ang Barangay Talayan, pero maski na papaano gagawin pa rin natin ang paraan para maiayos ang ilog natin.” Bahagi ng pahayag ni Ongtauco sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito nanawagan si Ongtauco sa lokal na pamahalaan sa Quezon City na pabilisin ang ginagawang paglilinis sa mga ilog, ang paglalagay ng mga pumping stations at ang iba pang proyekto sa pagsasaayos ng mga ilog.
Naniniwala si Ongtauco na ang basurang itinatapon ng bawat tao sa ilog ang siya ring ibinabalik ng kalikasan sa tuwing bumubuhos ang malakas na ulan at bumabaha.
Sinabi ng kapitan ng barangay na lahat ng tao ay may tungkulin na dapat gampanan sa pangangalaga sa kalikasan.
Ngayong 2018 ang ika-anim na taong pagdiriwang sa Season of Creation sa Pilipinas.