215 total views
Ang pagiging mapagmalasakit ng mga Filipino ay isang katangiang kinakailangan sa ngayon ng pinakamataas na pinuno ng ating bansa.
Ito ang pagninilay ni Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People kaugnay sa kalagayang pangkalusugan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon sa Obispo, higit kailanman ay makapangyarihan ang sama-samang pananalangin upang maipasa-Diyos ang kalagayan o anumang karamdaman ng Pangulo.
Inihayag ni Bishop Santos na bukod sa pananalangin para sa kaayusan at kaunlaran ng bayan ay mahalaga ring isama sa panalangin ang kalusugan ni Pangulong Duterte na siyang tumatayong ama ng buong bansa.
“We, Filipino, are very prayerful people. We are very caring, very compassionate with one another ‘palagi tayong nagmamalasakit sa isa’t isa.’ Let us pray for our President, especially with his health. He is our president, father of the land. And in times of needs, in any situation we always pray. So we pray for one another, we pray for him and those with the same condition for help and for healing.” mensahe ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Iginiit ni Bishop Santos na ang pananalangin ay isang paraan ng pagkilala sa habag, awa at pag-ibig ng Panginoon para sa bawat isa.
Naunang nanawagan si CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles sa mga Filipino na ipagdasal ang kalusugan ng pangulong Duterte.
Read: Taumbayan, Hinimok ng CBCP na ipagdasal ang Pangulong Duterte
Matapos ang magkakasalungat na pahayag ng mga miyembro ng gabinete, inamin sa publiko ni Pangulong Duterte ang kanyang muling pagpapasailalim sa Colonoscopy at Endoscopy sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Sinabi ng pangulo na kung sakaling magpositibo sa cancer ang resulta ng kanyang mga pagsusuri ay hindi na niya planong magpasailalim sa anumang uri ng treatment.
Sa edad na 73-taong gulang, si Pangulong Duterte ang pinakamatandang Pangulo ng Pilipinas na naihalal sa kasaysayan.