205 total views
Nilinaw ng Arkidiyosesis ng Cebu na wala itong direktang kinalaman sa imbestigasyon sa naganap na pananambang sa Malubog Cebu City noong ika-4 ng Oktubre, 2018.
Ayon kay Msgr. Joseph Tan, taga-pagsalita ng Arkidiyosesis, pagbibigay lamang ng pastoral sanctuary sa biktima ang ipinaabot ng Simbahan batay na rin sa kasunduan ng Archdiocese ng Cebu at Commission on Human Rights Region 7.
“Ang atong role ani nga hitaboa matawag nato’g supplementary, it’s just to facilitate sa trabaho sa CHR.(Ang role natin dito sa nangyari ay masasabi nating supplementary lang, it’s just to facilitate sa trabaho ng CHR).” pahayag ni Mgsr.Tan sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng pari na ginamit lamang ng CHR ang lugar para sa isasagawang imbistigasyon.
Noong Sabado ay hiniling ni Sharmaine Puran, isa sa dalawang survivor sa pananambang na tutuloy sa Archbishop’s Residence habang isasagawa naman CHR-7 ang imbestigasyon sa naganap na pamamaril.
Batay sa paunang pahayag ng mga nakaligtas na biktima ay mga nagpakilalang pulis ang mga salarin.
Sa pahayag ni CHR-7 Chief Investigator Leo Villarino, ang pagtulong ng CHR at ng Simbahan ay base na rin sa kahilingan ng biktima na nangangamba sa kaniyang kaligtasan matapos ang pananambang na ikinasawi ng limang indibidwal.
Ikinabahala naman ni Cebu Archbishop Jose Palma ang sunod-sunod na pagpaslang sa Cebu City at hiniling sa mananampalataya ang pagdadasal ng Oratio Imperata upang mawakasan ang karahasan sa lalawigan.
Ang pagtulong ng Simbahan sa mga biktima ng karahasan ay kabilang sa mga tungkulin na nararapat gampanan bilang tagasunod ng Panginoong Hesus na handang kumalinga sa mga nangangailangan sa lipunan.