244 total views
Patuloy ang Simbahan sa pagbuo ng mga gawaing makatutulong sa mahihirap sa lipunan kaakibat ang kabutihang-loob at pagiging masigasig.
Sa Apostolic Letter ng Kaniyang Kabanalan Francisco na Misericordia et Misera, binigyang-diin dito ang kahalagahan ng habag at awa sa pagsasabuhay ng mga Salita ng Diyos sa mga komunidad lalo na ang pagtulong sa mga dukha.
Kaugnay dito, tiniyak ni Pasay City Representative Imelda Calixto-Rubiano ang pakikiisa sa Simbahang Katolika sa paglingap sa mahihirap na mamamayan.
“Ano man po ang activities ng ating Simbahan, sa abot ng aming makakayanan tayo po ay nakikiisa at nakikipagtulungan.” pahayag ni Rubiano sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng mambabatas ay kasabay ng pagdiriwang ng ika – 65 anibersaryo ng Caritas Manila kung saan isa ito sa mga tumutulong sa mga programa ng social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Pagbabahagi ni Rubiano na kasalukuyang tinutulungan ng lokal na pamahalaan ng lungsod Pasay ang halos 60, 000 kabataang mag-aaral mula kinder hanggang kolehiyo sa programang pang-edukasyon ng lungsod.
Nakahanda ang lokal na pamahalaan na makiisa sa programang pang-edukasyon ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership Program na may 5, 000 estudyanteng tinutulungan sa buong bansa na walang sapat na kakayahang pinansyal para matustusan ang pag-aaral.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang kahalagahan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos sa paglilingkod sa bayan upang magabayan ng Panginoon.
“Pinakikita ko po at ng aming pamilya na kami ay modelo sa mamamayan at ang mga Salita ng Diyos ay amin pong isinasapuso at isinasabuhay.” ani ng mambabatas.
Una nang hinimok ng mga lider ng Simbahan ang mga namumuno sa pamahalaan na pangunahan ang pagkalinga sa nangangailangan sa lipunan.