216 total views
Pitong bagong Santo ang napabilang sa higit 10,000 mga Santo ng Simbahang Katolika.
Linggo, ika-14 ng Oktubre, pinangunahan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang ‘canonization’ nina Pope Paul VI, Archbishop Oscar Romero at limang iba pa.
Si Pope Paul VI ang may akda ng Humanae Vitae o Of Human Life, na tumatalakay hinggil sa kasagraduhan ng buhay mula sa paglilihi ang hanggang sa natural na kamatayan.
Tinalakay din dito ang pagtutol ng simbahan laban sa ‘artificial birth control’ bilang paraan sa pag-aagwat ng mga anak.
Ganap na rin Santo si El Salvador Archbishop Oscar Arnulfo Romero na pinaslang habang nagmimisa noong 1980.
Ang Arsobispo ay kilala bilang kampeon ng social justice na nagsusulong ng karapatang pantao at tagapagtanggol ng mga mahihirap at naapi sa lipunan lalu na sa panahon ng digmaang sibil sa El Salvador.
Bukod kina Paul VI at Archbishop Romero, kabilang din sa mga kinilalang mga bagong Santo sina Fr. Vincent Romano, kilalang nag-aaruga ng mga ulila; Fr. Francesco Espinelli, nangangalaga ng mga may nakakahawang sakit tulad ng HIV aids, drug addicts at mga bilanggo.
Ang 19-anyos na si Nunzio Suprizio na sa kabila ng kaniyang malubhang karamdaman ay inilaan ng kanyang buhay sa pagtulong sa mga may karamdaman at kapansanan.
Sina Sr. Nazaria Ignacia March Mesa ang nagtatag ng Congregation of the Missionary Crusaders of the Church at si Sr. Maria Katharina Kasper ang founder ng Poor Housemaids of Jesus Christ.
Naging espesyal din ang pagdiriwang sa mga bagong Santo ng Simbahan dahil sa pagdalo ng mga delegado ng ginaganap na Synod of Bishops on Youth sa Roma.
Sa Pilipinas, tatlong Obispo namang mga Obispo sa bansa ang nasa proseso ng ‘beatification’ o isang hakbang sa pagiging banal, ito ay sina Bishop Alfredo Obviar, Archbishop Teofilo Bastida Camomot at Bishop Alfredo Versoza.
Sa kasalukuyan ay may dalawang Santo na ang bansa na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.