216 total views
Hinikayat ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang bawat botante na kilatising mabuti ang kanilang ihahalal sa 2019 midterm elections.
Ito ang panawagan ni PPCRV acting chairperson Bro. Johny Cardenas kaugnay sa paghahain ng ‘certificate of candidacy’ ng mga nais kumandidato na magtatapos sa ika-17 ng Oktubre.
“Kilatising maigi kung sino ang karapat dapat. Iisa lang yang boto mong yan. At iyan ay karapatan mo, at tayo ay pantay-pantay ang bilang nyan, mayaman at mahirap. ‘one vote’ yan but make sure it is one good vote,” ayon kay Cardenas sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon kay Cardenas, ang pagboto ay isa sa pantay na karapatan na mayroon ang mamamayan maging sa anumang estado ng kanilang buhay.
“Kailangan ay piliin natin ay honest, yung political will at mayroong kakayanan. Iyang tatlong ‘yan ay magandang bigyang pansin honest, political will at may kakayanang isagawa ang kanyang gustong gawing maganda,” dagdag pa ni Cardenas.
Sa datos ng Commission on Elections mahigit sa 60 porsiyento ang bilang ng mga botanteng kabataan sa kabuuang 60 milyong registered voters sa nakalipas na halalan.
Sinabi sa Compendium of the Social Doctrine of the Church na hinikayat ng simbahan ang mga mabubuting Kristiyano sa pakikilahok sa pulitika bilang mga karapat-dapat na paglilingkod bilang isang mabuting Kristiyano.