323 total views
Binigyang linaw ng mga Obispo ang kaibahan ng pagbibigay galang sa mga Santo, at pagsamba sa Panginoon.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Clergy Chairman, Bishop Buenaventura Famadico – Obispo ng Diocese of San Pablo, napakalaki ng agwat ng dalawang ito sapagkat ang Panginoon lamang ang dapat sambahin dahil siya ang lumikha ng lahat ng nilalang sa mundo, kabilang na ang iginagalang na mga Santo.
Palinawag nito na sa kabila ng pagiging banal ng mga Santo ay mga nilalang sila ng Diyos na marapat hangaan at bigyang galang dahil sa kanilang pambihirang buhay na naging daan upang sila’y makarating sa langit.
“Napakalaki ng agwat sapagkat ang Panginoon, siya ang may gawa sa atin kaya S’ya ang dapat nating sambahin. Tayo kahit baga Santo ay nananatiling kapwa nilalang kaya ang kataasan na magagawa natin para sa kanila ay sila ay ating hangaan, sila ay ating bigyan ng pagpapahalaga at ang pinaka maganda dito ay nahihingan sila ng panalangin upang sila na naroon na kasama ng Diyos ay ipagdasal din tayo,” pahayag ni Bishop Famadico sa Radyo Veritas.
Inihayag naman ni Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco na kahit ang birheng Maria na ina ni Hesus ay hindi rin isang Diyos o Diyosa.
Aniya, isa din itong Santo na nagsisilbing inspirasyon sa mga tao at tumutulong sa paglalakbay papalapit sa kaharian ng Panginoon.
Dagdag pa ni Bishop Ongtioco, ang mga Santo na tulad ni Maria, Jose o ni Padre Pio ay mga modelo na namamagitan at nagdarasal para sa kabutihan ng sambayanang kristiyano.
“Kahit na napaka banal ng isang tao, ang atin mismong ina, ina ng Diyos, hindi s’ya Diyosa. So we venerate our blessed mother but we don’t worship…All Saints including Mama Mary they lead us closer to God, to Christ by their own very example by the role that they play, ang papel na ginaganap nila sa ating buhay ngayon, namamagitan, gumagabay, nagiging inspirasyon.” Pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radyo Veritas.
Nito lamang linggo, ika-14 ng Oktubre, pitong bagong Santo ang kinilala ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ang mga ito ay sina Fr. Vincent Romano, Fr. Francesco Espinelli, Nunzio Suprizio, Sr. Nazaria Ignacia March Mesa, Sr. Maria Katharina Kasper, Pope Paul VI, at El Salvador Archbishop Oscar Arnulfo Romero.