232 total views
“When one million children pray the rosary, the world will change.”
Ang naturang pahayag ni Saint Padre Pio ang naging inspirasyon ng Pontifical Foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need (ACN) upang isulong ang taunang programa nito na “One Million Children Praying the Rosary Campaign” na nagsimula noong 2005.
Inilunsad sa Pilipinas ang programa ngayong taon kung saan makikibahagi ang bansa sa Worldwide Prayer Event na nakatakda sa ika-18 ng Oktubre,2018.
Ayon kay Former Philippine Ambassador to the Holy See Henrietta de Villa at Chief Executive Officer ng ACN Philippines, layunin ng nasabing Prayer Campaign na sama-samang manalangin ng Santo Rosaryo ang mga kabataan para sa kapayapaan hindi lamang ng bawat pamilyang Filipino at sa pangkabuuang kapayapaan ng buong daigdig.
Pagbabahagi ni De Villa, makapangyarihan ang pananalangin ng mga kabataan kaya’t inaanyayahan partikular na ang mga mag-aaral at ang bawat pamilyang Filipino na makibahagi sa nakatakdang worldwide prayer event na pananalangin ng Santo Rosaryo.
“Inaanyayahan namin kayong lahat sa October 18 sisimulan yung kampanya ng Aid to the Church in Need na makatipon tayo ng isang milyong mga bata na magdadasal ng Rosaryo para sa ganun ay magkaroon ng kapayapaan sa mundo, kapayapaan dito sa ating bansa at kapayapaan sa bawat pamilya kasi ang panalangin ng mga bata ay matindi, matindi sa Panginoon kaya lahat kayo sa inyong bahay, tahanan sumali tayo at magdasal ng Rosaryo…” paanyaya ni de Villa sa panayam sa Radyo Veritas.
Nakatakda ang sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan sa darating na Huwebes, ika-18 ng Oktubre ganap na alas-nuebe ng umaga kung saan isagawa ang highlight event sa San Jose de Navotas Academy sa Diocese of Kaloocan na naglalayong makatulong sa mga kabataang naulila dahil sa war on drugs ng pamahalaan.
Kaugnay nito, umapela rin ng pakikibahagi para sa 1 Million Children Praying the Rosary Campaign dito sa Pilipinas si Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David.
Ayon sa Obispo, magandang opurtunidad ang naturang kampanya upang sama-samang manalangin ang bawat isa partikular na ang mga kabataan ng Santo Rosaryo.
“Inaanyayahan ko po kayong lahat na makiisa sa kampanyang ito ng Aid to the Church in Need, One Million Children Prayer the Rosary together in different parts of the world at ang isa dito ay ang isang eskwelahan ng Diocese of Caloocan ang San Jose de Navotas Academy, please join us in prayer and please invite children to pray with us…” paanyaya ni Bishop David.
Sa inisyal na tala ng ACN Philippines, bukod sa mahigit 80 iba’t-ibang bansa na makikibahagi sa Worldwide Prayer Event ay nagkumpirma na rin ng pakikiisa ang may 777-mga paaralan at 1,289 na mga Parokya sa Pilipinas.